25 empleyado ng BPO sa Subic nagpositibo sa COVID matapos dumalo sa beach at pool party

Imahe mula sa Google
  • Umabot sa 25 empleyado ng BPO ang nagpositibo sa COVID-19 matapos dumalo sa magkasunod na party
  • Ginanap ang beach party at sinundan pa ito ng pool party noong Nobyembre 14
  • Hindi umano naging matapat ang ilang empleyado para ideklara ang kanilang tunay na nararamdaman

Mahigit dalawang dosenang empleyado ng isang business process outsourcing (BPO) sa Subic ang nakaquarantine ngayon matapos dumalo sa dalawang magkasunod na party noong nakaraang buwan.

Ayon kay SBMA Chairman and Administrtator Atty. Wilma Eisma, posibleng nagsimula ang hawaan ng virus sa dalawang party na dinaluhan ng mga empleyado subalit ang higit na nagpapalala raw dito ay ang pagiging iresponsable ng ilan sa kanila.

Atty. Wilma Eisma, SBMA| Imahe mula sa Filipina Women’s Network

Umabot sa 25 empleyado ang nagpositibo sa coronavirus mula sa 65 na dumalo sa magkasunod na party na ginanap noong Nobyembre 14, araw ng Sabado.

Ang unang party ay ginanap sa isang beach sa  Baloy, Barrio Baretto at sinundan ito ng isang pool party sa San Marcelino. Zambales.

Hindi umano naging matapat ang ilang trabahador na ideklara ang kanilang tunay na nararamdaman at pumasok pa sa trabaho dahil sa ‘no work, no pay’ policy.

“This was the lesson some employees of a business process outsourcing company here recently learned the hard way after attending parties that might have served as super-spreading events,” ani Eisma.

Ayon naman kay Dr. Solomon Jacalne, hepe ng SBMA Public Health and Safety Department, nalaman nila sa isinagawang contact tracing na may mga empleyadong dumalo sa nasabing party na nagpositibo habang ang iba naman ay nahawa ng kanilang mga kasamahan sa trabaho.

Unang naitalang kaso ay noong Nobyembre 16 subalit nagnegatibo ang dalawang nakasalamuha nito. Kinabukasan ay mag-asawa naman ang nagpositibo at nagsabing nagkaroon sila ng close contacts sa mga pasahero sa isang shuttle bus.

Imahe mula sa LinkedIn

Nang sumunod na araw ay lalo pa itong nadagdagan hanggang sa umabot na sa 16 ang nagpositibo sa virus at noon lang umamin na dumalo sila beach at pool party.

Dito ay mas pinaigting na ang contact tracing at sa 65 katao na dumalo sa naturang pagtitipon, 25 rito ang nagpositibo sa virus. Nitong sumunod na 7 araw, ayon kay Jacalne, ay wala na silang naitalang panibagong kaso sa kumpanyang hindi na pinangalanan.

Lahat ng mga apektadong empleyado ay naka-quarantine na ngayon sa kani-kanilang lugar sa  Zambales, Olongapo City, and Bataan habang ipinag-utos naman ni Eisma ang agarang imbestigasyon sa pangyayari.

Loading…