Accompanied minor 10 anyos pataas, senior citizen na 60 anyos puwede na sa malls sa Cavite

Screenshot mula sa Facebook video ni Gov. Remulla
  • Pinayagan nang mamasyal sa malls sa Cavite ang mga menor de edad 10 anyos pataas basta’t may kasamang adult
  • Gayundin ang mga senior citizen 60 anyos pataas kahit walang kasama
  • Tinanggal na rin ang liquor ban sa probinsiya subalit bawal pa itong inumin sa mg pampublikong lugar

Maaari nang pumasok at mamasyal sa malls sa Cavite ang mga menor de edad 10 anyos pataas basta’t mayroon umanong kasamang adult. Gayundin ang mga senior citizen 60 anyos pataas kahit walang kasama, ayon sa kanilang gobernador.

Ito ang nilinaw ni Governor Jonvic Remulla sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes ng umaga.

Screenshot mula sa Facebook ni Gov. Remulla

“Ang mga accompanied minor na puede pumasok ng mall must be 10 and above,” ayon sa post ni Gob. Remulla. “Ang mga Senior Citizen (60 up) ay puwedeng hindi accompanied sa mall.”

Magugunitang pinahihintulutan na ng pamahalaan na makapasok sa mga malls ang mga menor de edad basta kasama ang kanilang mga magulang o guardian, ngunit nilinaw na kailangan pang pagtibayin ito ng mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng isang ordinansa.

Hindi naman sang-ayon dito ang Department of Health (DOH) dahil lubhang mapanganib pa umano ito sa kasalukuyan para sa mga bata na itinuturing na ‘superspreader’ ng virus.

Screenshot mula sa You Tube

“Sa siyam na buwan na karanasan natin sa COVID-19, three to five percent po ng total infected cases natin ay sa mga bata nangyari. Hindi po sila exempted sa hawaan,” giit ni Health Secretary Francisco Duque.

Ang Cavite ay kasalukuyang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ), ang pinakamababang antas ng quarantine status na ipinatutupad ng IATF.

Maliban sa pina-relax na guidelines sa mall, tinanggal na rin ng probinsiya ang liquor ban subalit maaari lamang itong inumin sa loob ng kanilang bahay at ipinagbabawal pa rin sa mga pampublikong lugar.

Loading…