Alex Gonzaga may pinagdaraanang “mahirap na challenge”

  • Bukod sa COVID-19, may “mahirap na challenge” na hinaharap ngayon si Alex Gonzaga
  • Ito ay ang limitasyon o hindi pagsasalita sa loob ng isang linggo, maliban na lang kung may trabaho
  • May problema umano siya sa lalamunan na hindi na niya dinetalye kung paano niya nakuha

Pinagbawalan umano ng kaniyang doktor ang host-vlogger na si Alex Gonzaga na limitahan ang pagsasalita kung hindi naman kinakailangan, dahil sa kaniyang problema sa lalamunan, na para sa kaniya ay isang malaking hamon o mahirap na “challenge.”

Kilala si Alex bilang isang kikay at madaldal na celebrity, bagay na isa sa mga kinagigiliwan sa kaniya ng mga tagahanga, subscribers, at followers niya. Makikita sa kaniyang Instagram stories ang detalye nito.

Imahe mula sa Instagram account ni Alex Gonzaga

“Went to the doctor for my throat. Less talk, less mistake na dapat ang aking life quote. Ang hirap ng no talking,” saad ni Alex. Mananatili siyang ganito sa loob ng dalawang linggo, maliban na lamang kung may trabaho. Sa ngayon, hindi niya maiiwasang gamitin ang kaniyang boses dahil host siya ng “Lunch Out Loud” na umeere mula Lunes hanggang Biyernes sa TV5.

“So if you see me doing hand gesture and writing something to the people around me please don’t judge me,” sabi pa niya.

Ito raw ang pinakamahirap na challenge para sa kaniya.

“During my Christmas break I am required not to talk at all. So, help me God! Ang hirap na challenge.”

Hindi na dinetalye ni Alex kung bakit siya nagkaroon ng problema sa lalamunan, subalit kung pagbabatayan naman ang kaniyang mga larawan sa IG, mukhang nasa maayos na kalagayan naman siya. Matatandaang nagkaroon siya ng COVID-19 gayundin ang kaniyang fiance na si Mikee Morada, dahil sa kanilang kasama sa bahay na tinamaan nito.

Sa kaniyang vlog, inamin niyang nakaramdam siya ng frustrations, dahil marami silang plano na bigla na lamang na-delay o nabalam dahil sa naturang pagkakasakit, kagaya na lamang ng paglabas niya sa pilot episode ng LOL, at ang pagpapakasal nila ni Mikee.

Imahe mula sa Instagram account ni Alex Gonzaga

Samantala, sa isang Instagram post naman ay ipinasilip niya ang larawan ng demolished establishment kung saan itatayo ang future home nila ni Mikee.

“Our demolish is halfway done to build our new and future home. Parang Samson and Delilah datingan namin pagkatapos magbabag,” ayon sa kaniyang caption.

Si Alex Gonzaga ay nakababatang kapatid ng host-actress na si Toni Gonzaga, na nagbabalik-hosting na rin sa muling pagbubukas ng Bahay ni Kuya, sa  “PBB Connect.”

Source :

ABS-CBN News

Loading…