Alok na cash ng SMC tinanggihan ng pamilya ng isa sa mga biktima ng Skyway tragedy

Imahe mula a MCDDRM
  • Tinanggihan ng pamilya ng biktima ang alok na cash ng SMC
  • Baka raw kasi isipin na hindi na sila magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable
  • Nilinaw naman ng SMC na hindi nila sinabing tinanggap na ang kanilang alok

Tinanggihan ng pamilya ng isa sa mga biktima ng trahedya sa Skyway Extension project ang alok na perang tulong ni Ramon S. Ang, ang president at COO ng San Miguel Corp na siyang project owner.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa abogado ng pamilya ni Edison Paquibot, nilinaw nito na bagama’t inalok nga sila ng cash assistance ng SMC, hindi naman daw ito nangangahulugan na tinanggap na nila ang pera.

Imahe mula a MCDDRM

“Hindi kasi tama iyong ‘received’ na word when in fact it is just being offered because ‘RSA personally wanted to help’ daw. I cannot confirm nor deny as to the other victims. But in our case, wala,” paliwanag ni Atty. Jeamie Salvatierra, ang legal counsel ng pamilya Paquibot.

Si Edison Paquibot ang nag-iisang nasawi sa nabanggit na trahedya. Siya ay sakay ng kaniyang motorsiklo patungong trabaho nang mangyari ang insidente sa East Service Road sa Sucat, Muntinlupa noong nakaraang buwan.

BASAHIN: SMC nagbigay ng P20M tulong sa Skyway accident victims; anak ng isa pag-aaralin hanggang college

Sinabi rin ni Salvatierra na nagdadalawang-isip ang misis ni Paquibot na si Marilou na tanggapin ang pera dahil baka raw bigyang-kahulugan ito na isinusuko na niya ang kaniyang karapatang sampahan ng reklamo ang mga sangkot sa trahedya.

Maliban daw sa ginastos sa libing, walang tinanggap na pera ang pamilya ng biktima mula sa SMC.

“We just wanted to confirm mainly na a certain amount has been offered but not yet received or given, since ayaw naman namin ma-compromise ang case,” ayon sa abogado.

Imahe mula sa MCDDRM

Nauna nang sinabi ni Ramon Ang noong nakaraang linggo na  nag-alok sila ng halagang P20-M financial aid sa mga biktima ng nabanggti na aksidente. Bukod pa ito umano sa medical expenses at iba pang gastusin na sinagot ng EEI Corp, ang project contractor.

Sinabi rin ni Ang na ang malaking bahagi ng P20 million ay mapupunta para sa pagsuporta sa pamilya ni Paquibot. Nangako siya na sasagutin ang mga pangangailangan ng mga naulila at pag-aaralin hanggang makatapos ng kolehiyo ang 4-year-old na anak ng biktima.

Samantala, muling nilinaw ng SMC na hindi naman nila sinabing tinanggap ng pamilya Paquibot ang kanilang alok; bagkus ay nais lamang nilang iparating na nakahanda silang tumulong anumang oras.

Loading…