Ang tunay na role ng mga ninong at ninang, hindi tagabigay ng regalo sa inaanak, ayon sa isang netizen

  • Pinag-usapan ng mga netizens ang isang mahabang Facebook post hinggil sa tunay na roles ng ninong at ninang
  • Ayon sa post, hindi lamang tagabigay ng regalo o pera ang gampanin ng mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak
  • Sila raw ang inaasahang gagabay at magsisilbing pangalawang magulang sa kanila

Sa tuwing sasapit ang Pasko, nakaugalian na nating magbigayan ng aginaldo sa mga taong may mahalagang bahagi sa ating buhay: kapamilya man, kaanak, kaibigan, katrabaho, kakilala, at iba pa. At hindi napapalagpas diyan ang pagmamano ng mga inaanak sa kani-kanilang mga ninong at ninang, na tila ba “obligadong” magbigay ng pamasko.

At dahil malapit na ang Pasko, ibinahagi ng isang netizen ang nagngangalang “Gracia Gracia” sa kaniyang Facebook post ang isang screenshot mula rin sa isang post ng di-nakilalang netizen, na tila isang magulang. Isa itong mahabang post na nagpapaliwanag sa tunay na obligasyon ng mga ninong at ninang sa buhay ng kanilang mga inaanak, higit pa sa pagbibigay ng regalo tuwing Pasko.

Imahe mula sa Facebook account ni Gracia Gracia

“Hindi ninyo obligasyong bigyan ng malaking halaga o mamahaling laruan ang anak ko taon-taon. Remember, once ko lang kayo napakain, noong binyag niya, kaya sapat na iyong pakimkim na iniabot ninyo, hindi naman kayo ATM. Hindi kayo si Santa. Kung anoman ang maibibigay ninyo tuwing Pasko, sisiguraduhin kong matututuhan ng anak kong i-appreciate iyon,” bahagi ng post.

Sa bandang dulo ng naturang post, ipinaliwanag ang tunay na dahilan kung bakit nga ba kumukuha ng mga ninong at ninang.

“Kinuha ko kayong ninong/ninang hindi para gawing ATM tuwing Kapaskuhan. Kinuha ko kayong ninong/ninang kasi alam kong may maituturo kayong tama sa anak ko, sa mga pagkakataong makakausap at makakasama niya kayo. Kinuha ko kayo para maging gabay niya. Para maging pangalawang magulang.”

“Sa totoo lang, mas mahirap ang totoo ninyong role. Hindi tagabigay ng pera kundi katuwang kong humubog ng isang indibidwal na magiging gamot o sakit ng lipunan sa hinaharap.”

Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Tama nga naman… gagabay sa mga bata at magtuturo ng kabutihang asal ang mga ninong at ninang,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “So much agree! Ang ibang mga magulang, ginawang palabigasan ang mga ninong at ninang nila. Mas kinukuha pang ninong at ninang yung alam nilang mapepera.”

Nagyong malapit na ang Pasko, nawa ay maunawaan ng lahat ang tunay na gampanin ng mga ninong at ninang!

Loading…