AstraZeneca hindi na magsasagawa ng COVID vaccine clinical trials sa ‘Pinas

Imahe mula sa KMJ
  • Umatras na sa planong magsagawa ng clinical trials ang AstraZeneca sa Pilipinas
  • Sapat na raw ang kanilang datos para makita na epektibo ang kanilang bakuna
  • Hindi naman ito nangangahulugan na hindi na rin sila magsu-supply ng COVID vaccine sa bansa

Binawi na ng British pharmaceutical company na AstraZeneca ang aplikasyon nito para magsagawa ng clinical trials ng kanilang dine-develop na COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Sa panayam ng dzBB kay Food and Drug Administration (FDA) director general Dr. Eric Domingo, isiniwalat ng opisyal na hindi na magsasagawa ng clinical trials sa bansa ang AstraZeneca dahil sapat na umano ang datos nito upang makita ang bisa ng kanilang bakuna.

FDA Dir. Gen. Eric Domingo| Imahe mula sa PNA

Gayunpaman, hindi naman daw ito nangangahulugan na hindi na rin magsu-supply ng COVID vaccine sa Pilipinas ang British company. Sa katunayan daw ay hinihintay na lang nito ang approval ng FDA para sa kanilang bakuna.

Ang AstraZeneca ang isa sa tatlong pharmaceutical company na inaprubahan ng review board ng Department of Science and Technology (DOST) para magsagawa ng clinical trials sa bansa.

Ang dalawa pang nauna nang pinayagan ay ang Sinovac Biotech Ltdng China at ang  Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology ng Russia.

Bukod dito, pumasa na rin sa expert panel at ethics committee ang aplikasyon para magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas ang Janssen Pharmaceutical Companies ng Johnson & Johnson at Clover Biopharmaceuticals ng China at kasalukuyang sumasailalim na sa proseso ng FDA.

Imahe mula sa Bloomberg

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mas maganda pa rin na ang bibilhing bakuna ng Pilipinas ay yaong nagsagawa ng clinical trials dito upang masigurong ligtas ito para sa pangkalahatang populasyon.

Bukod dito, tinatayang mas mura umano ng presyo ng AstraZeneca vaccine ng halos $3 hanggang $4 kumpara sa mga gamot ng Moderna at Pfizer-BioNTech.

Ayon sa AstraZeneca, ang kanilang bakuna ay 70% effective kontra COVID-19 sa unang dose at tataas ng 90% sa pangalawang turok.

Loading…