Babae kinasuhan ang kaniyang BF matapos ‘di pakasalan at paasahin sa loob ng 8 taon

Imahe mula sa Solicitors in Uk
  • Nainip sa kahihintay sa pangakong kasal ng kaniyang boyfriend ang isang babae sa Zambia
  • Dahil dito, nagpasya ang babae na dumulog na sa korte at kasuhan ang kaniyang kasintahan
  • Walong taon raw kasi ang relasyon nila at mayroon na ring anak na isa subalit wala pa rin ang pangakong kasal

Nauwi sa korte, sa halip na sa simbahan, ang relasyon ng magkasintahan sa bansang Zambia matapos mainip ang babae sa pangakong pakakasalan siya ng kaniyang boyfriend ng maraming taon.

Sa ulat ng local news website na Tuko, dumulog na sa hukuman ang 26-anyos na si Gertrude Ngoma upang sampahan ng kaso ang kaniyang 28-anyos na boyfriend na si Herbert Salaliki dahil hinid pa tinutupad ng huli ang pangako nito sa kaniya.

Korte sa Zambia| Imahe mula sa Tuko

Walong taon nang magkasintahan ang dalawa at si Salaliki rin ang ama ng anak ni Ngoma bagama’t wala pa silang pormal na pagsasama bilang mag-asawa.

Nakatira umano ang babae sa kaniyang mga magulang samantalang namumuhay naman nang hiwalay at mag-isa ang kaniyang boyfriend.

Naibigay na naman daw noon pa ng lalaki sa kaniyang magiging biyenan ang dowry, na isang matandang kaugalian sa kanila bilang hudyat na handa na siyang mag-asawa, subalit nagtataka ang babae dahil inabot na ng walong taon ay hindi pa siya nito niyayayang magpakasal.

Ayon kay Ngoma, napagod na siya sa kahihintay at tila walang plano ang kaniyang kasintahan para sa kanilang kinabukasan. Bukod dito, nahuli niya rin daw ang lalaki na mayroong ka-text na ibang babae at suspetsa niya ay may relasyon na ang dalawa.

Imahe mula sa Wienberger Divorce and Family Law Group

Depensa naman ng boyfriend, wala pa siyang sapat na ipon para magsimula ng kaniyang sariling pamilya. Hindi rin daw umano siya binibigyan ng sapat na atensiyon ng kaniyang girlfriend.

Samantala, matapos pakinggan ang magkabilang panig, sinabi ng huwes na wala siyang magagawa dahil hindi pa naman mag-asawa ang dalawa.

Pinayuhan din ng korte na mag-usap at ayusin na lamang ng dalawa sa labas ng hukuman ang kanilang hindi pagkakaunawaan dahil baka sakaling magkaayos pa ang mga ito at matuloy na sa simbahan ang kanilang walong-taong relasyon.

Loading…