Bagong ‘Bating Filipino’ pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara

  • Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang bagong anyo ng pagbati para sa mga Pinoy
  • Tinawag itong ‘Bating Filipino’ na isinusulong ni Marikina Rep. Bayani Fernando
  • Tanda umano ito ng sinseridad, kababaang-loob at respeto sa kapwa-tao

Pasado na sa pangalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ang isinusulong na bagong pagbati para sa mga Pinoy na may layong makatulong upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Nitong Miyerkules, nakalusot na sa Kamara ang House Bill 8149 o “Bating Filipino Para Sa Kalusugan Act” na isinusulong ni Marikina Rep. Bayani Fernando.

Screenshot mula sa You Tube video

Ang ‘Bating Filipino’ ay gagawin sa pamamagitan ng paglagay ng kanang palad sa gitna ng dibdib at yuyuko nang bahagya na nakapikit ang mata o nakatungo sa ibaba bilang tanda ng paggalang.

Ipinakikita rin umano nito ang sinseridad, kababaang-loob at respeto sa sa kapwa-tao.

BASAHIN: “Bating Filipino Bill” o pagbabago sa paraan ng pagbati, isinusulong sa Kamara

Sa ganitong rin paraan daw ng pagpupugay ay magiging ‘contactless’ na ang pagbati sa ibang tao at maiiwasan ang hawaan ng virus. Maaari itong ipalit sa karaniwang pakikipag-kamay o beso-beso.

Ang orihinal na resolusyon ng panukala ay unang inihain ni Fernando noong Hulyo 2019 subalit nitong Pebrero 2020 lamang pormal na pinagtibay sa Kamara dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Saklaw nito ang lahat ng mga Filipino citizens at iba pang mamamayang naninirahan sa Pilipinas.

Screenshot mula sa You Tube video

Hinihikayat din ng panukala ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan, lalo na ang Department of Education, na tumulong sa pagpapalaganap ng bagong anyo ng pagbati.

Bukod dito, inaatasan din ang mga naturang ahensiya na maglaan ng kani-kanilang resources para sa information dissemination nito.

Suportado naman ang panukala ng ilang mambabatas tulad nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Pasig City Rep. Roman Romulo at Sorsogon Rep. Evelina Escudero.

Panoorin ang video ng ‘Bating Filipino’ upang matutuhan kung paano ito gagawin:

Loading…