Bagong COVID virus strain kumpirmadong nakapasok na rin sa Ireland, Japan

Imahe mula sa BBC
  • Nakapasok na ang bagong strain ng COVID virus sa Ireland at Japan
  • Maging ang Israel ay mayroon na ring kumpirmadong kaso umano nito
  • Kamakailan ay kinumpirma rin ng Singapore ang bagong strain ng COVID sa kanila

Sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na border control sa ilang bansa sa European Union, nakapasok pa rin ang mas nakahahawa at bagong strain ng COVID virus sa Ireland.

Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health ng Ireland na mayroon na silang na-detect na bagong strain ng COVID kaya pinayuhan ang publiko na iwasan na muna ang mga matataong lugar at ipagpaliban ang ‘non-essential travels’.

Imahe mula sa The Irish Times

“I can confirm that we have detected the new UK variant of SARS-CoV-2 by whole genome sequencing at the National Virus Reference Laboratory in UCD (University College Dublin),” anang Chief Medical Officer na si Dr. Tony Holohan sa isang pahayag nitong Biyernes, Disyembre 25.

“Further testing in the coming days and weeks will establish the extent to which it is present here,” wika pa ni Holohan.

Limang kaso sa Japan

Samantala, kumpirmadong may kaso na rin ng bagong strain sa Japan matapos ma-detect ito sa lima kataong bumiyahe mula sa UK.

Tiniyak naman ng health ministry ng Japan na walang nakasalamuha ang limang infected – apat na lalaki at isang babae; isa dito ay bata – at lahat sila ay naka-isolate na sa isang hotel.

Imahe mula sa Japan Today

Apat umano sa kanila ay asymptomatic at ang bata ay tinatayang nasa 10 anyos pababa. Maliban dito hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye tungkol sa limang taong nabanggit ang ministry.

“We will do everything we can to eliminate the chances of (the new strain) spreading in Japan,” ani health minister Norihisa Tamura.

Israel at Malaysia

Kamakailan ay kinumpirma rin ng Singapore ang kaso ng bagong COVID strain sa bansa. Ang pasyente ay isang 17-year old Singaporean girl na nag-aral noon sa UK at umuwi nito lang ika-6 ng Disyembre.

BASAHIN: Malakas makahawang new COVID-19 strain mula sa UK nasa Singapore na

Maging ang Israel at Malaysia ay napabalitang may nadetect na rin na bagong strain ng COVID sa kani-kanilang bansa.

Ang nasa Israel ay may apat na bagong kaso sa kasalukuyan na tulad ng nasa UK habang ang Malaysia naman ay pinag-aaralan pa sapagkat hawig umano ang strain na kanilang na-detect sa natagpuan sa South Africa, Australia at the Netherlands.

Loading…