Bagong silang na Butanding nadiskubre sa Donsol

Screenshot mula sa LAMAVE video
  • Nadiskubre sa baybayin ng Donsol ang isang baby butanding
  • May sukat itong 60 centimeters at isang lalaki
  • Dahil sa nadiskubreng baby butanding, maituturing na mahalagang lugar ang Pilipinas para sa pagpaparami ng whale shark na itinuturing na endangered species

Napatunayan ang kahalagahan ng katubigan ng Donsol at ng Ticao-Burias Pass sa Bicol Region bilang marine habitat kasunod ng pagkakadiskubre doon ng isang bagong silang na butanding o whale shark; ang pinakamalaking isda sa buong mundo.

Screenshot mula sa LAMAVE video

Sinabi ng mga marine scientists na dahil sa baby whale shark na natagpuan ng mga residente sa baybayin ng Donsol noong March 15, 2020 ay mas lalong kailangang protektahan ang Ticao-Burias Pass Protected Seascape mula sa mga banta na maaaring makapinsala sa itinuturing na endangered species.

Ayon sa isang scientific paper ng Large Marine Vertebrates Research Institute Philippines (LAMAVE) at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 5 (BFAR V) na nailathala sa Journal of Fish Biology, ang pagkakadiskubre sa baby butanding ay nagpapahiwatig na ang mga nabanggit na katubigan ay isang importanteng lugar-pasuplingan na napakahalaga para sa kanilang survival.

May sukat na 60 centimeters ang neonate (bagong silang) whale shark at isa itong lalaki. Bukod sa baby whale shark, naobserbahan din ng LAMAVE at BFAR V sa Donsol at Ticao-Burias Pass Protected Seascape ang pambihirang presensya ng mga babae at lalaking butanding na nasa tamang sukat upang magkaroon ng supling.

Imahe mula sa LAMAVE

Ang mga bagong silang na butanding ay hindi pa gaanong magaling lumangoy kaya’t nananatili sila sa lugar kung saan sila isinilang. Nangangahulugan ito na ang Donsol at Ticao-Burias Pass ay mahalagang tirahan para sa mga isdang ito.

Ang Pilipinas ang itinuturing na ikalawang bansa sa buong mundo na may pinakamaraming butanding, kasunod ng Taiwan. At dahil sa nadiskubreng baby butanding, maituturing na mahalagang lugar ang bansa para sa pagpaparami ng whale shark.

Imahe mula sa LAMAVE
Source :

LAMAVE, Inquirer

Loading…