Bawal ang pahalik: Black Nazarene inilagay sa Quiapo Church balcony para ipatanaw sa mga deboto

Screenshot mula sa Manila Bulletin video
  • Naka-display na sa balkonahe ng Quiapo Church ang Itim na Nazareno upang matanaw ng mga deboto mula sa kalayuan
  • Hindi na muna pinapayagan ang tradisyonal na pahalik o pagpunas ng panyo sa imahen ng Black Nazarene
  • Ito ay bilang pagsunod sa resolusyon ng IATF na bawal ang mass gatherings dahil sa umiiral na COVID-19 pandemic

Maraming pagbabagong ipinatutupad ang Quiapo Church para sa kapistahan ng Itim na Nazareno dahil sa umiiral na mga quarantine protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Kabilang na rito ang nakaugaling pahalik sa imahen.

Imahe mula sa PNA

Ang pahalik ay karaniwang ginagawa sa Quirino Grandstand sa Rizal Park isang araw bago ang kapistahan.

Sa ngayon ay hindi na muna pinapayagan ang mga deboto na makahalik o makapagpunas ng panyo sa Black Nazarene at sa halip ay tatanawin na lang nila ito mula sa kalayuan upang magbigay ng pagpupugay sa poon.

Nasa balkonahe na ng Quiapo Church ang Itim na Nazareno upang matanaw ng mga debotong Katoliko. Ayon kay Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel ay mas marami na ngayong oras ang mga deboto upang bigyan ng pagpupugay ang imahen.

Pahayag ni Fr. Douglas Badong, ang assistant parish priest ng Quiapo Church, ang pagtanaw o pagpupugay ay ipinalit sa tradisyonal na pahalik bilang pagtalima sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na bawal ang mass gatherings.

Screenshot mula sa Manila Bulletin video

Hindi na rin isasagawa ang traslacion ng Itim na Nazareno o ang prusisyon na dinadaluhan ng milyun-milyong deboto.

Sa halip na prusisyon, ang replica ng Itim na Nazareno ay dadalhin sa iba’t ibang lugar at simbahan sa Luzon.

“Nananawagan po kami ng tulong sa lahat ng simbahan sa buong Pilipinas na kung puwede po ay i-gather, hikayatin ‘yung mga deboto na diyan na lang po sa inyong mga simbahan mag-celebrate ng Traslacion. Maiintindihan naman po ng Nazareno kung hindi kayo makakapunta dito sa Quiapo sa January 9,” panawagan ni Fr. Badong.

Imahe mula sa Quiapo Church

Magsisimula ang pagdalaw ng Itim na Nazareno sa iba-ibang lugar sa ika-31 ng Disyembre. Kapag ililipat na sa ibang lugar ang imahen, hindi papayagang sumama ang mga deboto.

Bilang preparasyon sa Feast of the Black Nazarene, pangungunahan ng siyam na obispo ang siyam na araw na pagdarasal o novena.

Loading…