Biyaheng ‘Pinas mula UK suspendido na mula Disyembre 24 dahil sa bagong COVID strain

Imahe mula sa Twitter
  • Suspendido na lahat ng biyahe papasok ng Pilipinas mula sa UK
  • Magtatagal ang suspensyon hanggang sa Disyembre 31
  • Tiniyak naman ng DOH na wala pang nade-detect na bagong COVID strain sa bansa

Sinuspinde na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng biyahe papasok ng Pilipinas mula sa United Kingdon dahil sa banta ng bagong coronavirus strain.

Nitong Martes ay nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang kautusan para pansamantalang itigil ang lahat ng flights na magmumula sa UK. Ang suspensyon ay magsisimula sa Disyembre 24 at tatagal hanggang katapusan ng buwan.

Imahe mula sa PNA

“President Rodrigo Duterte approved on Tuesday night, December 22, 2020, the temporary suspension of all flights from the United Kingdom starting December 24, 2020, 12:01 a.m. until December 31, 2020,” anang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Miyerkules.

“All passengers who have been in the UK within fourteen (14) days immediately preceding arrival to the Philippines, including those merely in transit, are also temporarily restricted from entering the country for the same period,” ayon pa sa tagapagsalita ng Malakanyang.

Kaugnay nito, lahat ng pasahero na nasa biyahe na o kaya ay lumapag na sa Pilipinas bago ang Disyembre 24 ay papayagang makapasok subalit sila’y isasailalim sa 14-day quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City.

Imahe mula sa UNTV News

Exempted din sa nasabing restrictions ang lahat ng Pilipino na pauwi ng bansa kahit na pagkatapos na ng Disyembre subalit sila naman ay ire-refer sa Bureau of Quarantine para isailalim sa mandatory testing at isolation; ito ang paglilinaw ni Immigration Commissioner Jaime Morente.

Lahat naman ng biyahe patungong UK ay pinapayagan pa rin subalit may mga dokumentong kailangan tulad ng kumpirmadong round-trip ticket para sa mga visa holders, at health at travel insurance.

Napaulat noong nakaraang linggo ang pagkalat ng mas nakahahawang bagong strain ng COVID-19 sa UK na siyang dahilan para magpatupad ng mahigpit na travel ban ang mga kalapit-bansa nito tulad ng Ireland, Germany, France, Italy, the Netherlands at Belgium.

New COVID strain sa UK| Imahe mula sa DW

Sa Asya, nagpatupad na rin ng katulad na border control ang mga bansang India, Japan, Singapore, South Korea at ang Hong Kong.

Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na ang bagong variant ng COVID virus ay hindi pa nade-detect sa Pilipinas base sa inisyal na pag-aaral ng Philippine Genome Center sa  University of the Philippines.

“Given the anticipated surge this holiday season, we cannot afford another factor or variable that may affect the transmission rate of SARS-CoV-2,” ayon sa kalihim.

Loading…