Blogger hinggil sa negosyo: “Hindi basehan ang pagkabigo para sumuko”

  • Nagdulot ng inspirasyon ang Facebook post ng isang blogger hinggil sa pagnenegosyo
  • Ibinahagi niya kasi ang kuwento ng kaniyang pagtatagumpay, pagkabigo, at muling pagbangon
  • Hindi raw dapat maging batayan ang pagkabigo o failures para sumuko na sa laban ng buhay

“Hindi basehan ang pagkabigo para sumuko.”

Iyan ang mensahe ng isang Pinoy blogger na nagngangalang “Papa Dee” matapos niyang ilahad sa kaniyang Facebook post ang kaniyang mga naranasang kabiguan pagdating sa pagnenegosyo. Hindi raw siya sumuko sa pagpasok sa iba’t ibang negosyo para sa kaniyang pamilya.

Imahe mula sa Facebook page ni Papa Dee

“Nakakapagod pero worth it. Ilang taon na ako sa business pero never ko pa rin tinatamaan yung tagumpay na hinahanap ko. Ginagawa ko ‘to para sa future ng pamilya ko. Gusto kong pagtagumpayan ‘tong paghihirap ko para hindi na mag-work ang asawa ko, para lagi na lang kaming magkakasama sa bahay,” aniya.

Naranasan na rin niya umano na tila ba nasa tamang landas na ang lahat, tipong nararamdaman na niyang nasa tagumpay na siya, subalit sa bandang dulo, “babagsak” din pala.

“Kaya wala akong tigil na sumubok sa business. Siguro ilang beses na rin akong nalugi. May pagkakataon naman na nararamdaman ko na yung success, ang kaso biglang nagkakaproblema. Minsan ok na yung food business sa work ng asawa ko kaso bigla naman siya mapapalipat ng work at kadalasan napapalipat din kami ng tirahan,” patuloy pa niya.

Subalit hindi pa rin siya sumuko. Ibinahagi niya ang mga larawan ng panibagong food business na kaniyang pinasok. Aniya, ayaw niyang maranasan ng kaniyang mga anak ang hirap na kaniyang pinagdaanan.

“Kaya heto sumubok ulit ako at nagbabaka-sakali pa ring makatalisod ng tagumpay. Ayaw kong danasin ng mga anak ko ang mga daan na nilakaran ko.”

Imahe mula sa Facebook page ni Papa Dee

“HINDI BASEHAN ANG PAGKABIGO PARA SUMUKO. ANG TAGUMPAY LAGI LANG ‘YAN NAGHIHINTAY SA MGA TAONG PURSIGIDO AT DETERMINADO,” napakagandang mensahe at realisasyon niya para sa lahat.

Umani naman ito ng iba’t ibang positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Napakahusay. Ikaw ay inspirasyon sana sa mga taong tamad na ayaw magtrabaho at walang ibang gawain kung hindi humingi. Mabuhay ka, kaibigan!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Salute to you po! Madiskarte sa buhay at hindi sinasayang ang bawat oras para kumita. Tama po kayo, mas maganda talaga kung sama-sama kayo ng pamilya mo. Ganyan din pananaw ko sa buhay, ayoko danasin ng mga anak ko ang mga dinanas kong kahirapan noong araw. Kaya dapat talaga maging matiyaga, masikap at madiskarte para sa future ng family.”

Imahe mula sa Facebook page ni Papa Dee

Pagbati, Papa Dee! Nawa ay maging inspirasyon ka sa lahat ng mga taong nabigo sa negosyo subalit piniling bumangon at simulan ulit ito!

Source :

Facebook

Loading…