Brand new laptop, P52,000, iba pang gamit ibinalik ng tapat na tricycle driver sa may-ari

Image by Jonamie Sebastian via Facebook
  • P52,000 halaga ng pera, brand new laptop at iba pang gamit ibinalik ng tapat na tricycle driver
  • Ni hindi raw ito binitawan ng driver sa pamamasada noong gabing iyon, hinihintay na balikan ng may-ari
  • Malaki ang pasasalamat ng may-ari sa Diyos dahil sa may mabuting kalooban niya naiwan ang pera at mga gamit

Nakagagaan ng loob at nakapagbibigay ng pag-asa na sa gitna ng kasalukuyang mapanghamong panahon ay marami pa rin ang mga taong pinipili ang gumawa ng kabutihan sa kapwa. Pupuwede sanang ibinulsa na lamang ng isang tricycle driver ang P52,000.00 cash, brand new laptop at iba pang gamit na naiwan ng pasahero pero ginawa niya ang tama.

Image by Jonamie Sebastian via Facebook

Pagbabahagi ni Jonamie Sebastian sa Facebook, “Shoutout ko lang po si kuya driver, sa tricycle niya pala naiwan ang backpack ko na may lamang brand new laptop, cash na P40k for my client at P12k na pang bonus kay nanay, checkbook, passbook at mask.”

Pagpapatuloy ni Jonamie, malaki ang pasasalamat niya sapagkat buong gabi habang namamasada ang mama ay hawak-hawak nito ang backpack ng netizen at hinihintay na balikan niya dahil baka raw mawala.

Wala ni isang gamit ang nawala sa loob ng backpack, sabi nito, kaya’t sobrang grateful umano siya sa Panginoon yamang saktong sa matapat na driver siya nakasakay nang gabing iyon.

“Sa dinami-raming tricycle, sa kanya ako nakasakay na may napakabuting puso. Sa kabila ng hirap ng buhay ngayon, ‘di niya nagawang itago ang mga gamit ko na sana magpapagaan ng kaunti ng kanyang buhay.”

Bahagi pa ng post, “Salamat kuya driver. You deserve my thanksgiving prize!!! At salamat sa Lord sa katapatan ng mga pangako niya.”

Image by Jonamie Sebastian via Facebook

Trending ang post ni Jonamie na mayroon nang higit 37,000 reaksyon at nasa 25,000 shares habang ibinabahagi ito.

Komento ng isa, “Wow na wow! Sana dumami pa ang katulad mong tao, tatay, napakabuti mong tao. Nawa ay lalo ka pang pagpalain ng ating Panginoong Diyos. Ingat kayo palagi.”

Iba pang komento, “Ibig sabihin isa siya sa mga tupa ng Diyos at kagaya mo dahil sa iyong pananalangin sa Diyos at pagtitiwala sa Diyos ay hindi ka niya pinababayaan. Amen.”

Image by Jonamie Sebastian via Facebook
Source :

Facebook

Loading…