Buntis na bride sa Aklan inabot ng panganganak sa araw ng kasal; kasal at binyag magkasunod na idinaos sa ospital

For illustrative purposes only| Imahe mula sa Wedding Chicks
  • Sa ospital na idinaos ang kasal ng isang buntis na bride-to-be matapos abutan ng panganganak sa araw mismo ng kasal
  • Isinabay na rin nila ang binyag ng bagong silang na sanggol
  • Natuloy pa rin ang handaan sa reception sa kabila ng hindi inaasahang pangyayari

Sa halip na sa loob ng simbahan, sa private room ng isang sa ospital sa Aklan idinaos ang pag-iisang dibdib ng isang buntis na bride-to-be at kaniyang groom matapos abutan ng panganganak ang babae sa araw mismo ng kanilang kasal.

Base sa ulat ng Bombo Radyo, inakala ng bride na si Mrs. Kate Iturralde na nitong Disyembre pa siya manganganak subalit habang naghahanda para sa kanilang kasal noong Sabado, Nobyembre 28, ay bigla itong nakaramdam ng paghihilab sa sinapupunan bandang alas-10 ng umaga.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Sa araw ding iyon ang kanilang kasal ng kaniyang groom na si Jed Iturralde dakong alas-dos naman ng hapon na gaganapin sana sa St. Joseph, Spouse of the Blessed Virgin Mary Church sa bayan ng Banga, Aklan.

Dahil dito, ambulansiya na umano ang sumundo kay Mrs. Iturralde imbes na bridal car upang maisugod ang naturang bride sa ospital kung saan doon na rin ito inabutan ng panganganak.

Matagumpay naman at ligtas na nailuwal ng babae ang isang malusog na baby girl makaraan ang dalawang oras.

Matapos malaman ang pangyayari, ang parish priest na mismo ng simbahan na si Fr. Jude Rebaldo ang pumunta sa ospital upang ituloy ang seremonyas sa loob ng pribadong kuwarto.

Imahe mula sa Harvard Health

Tuwang-tuwa naman ang mga doktor at nars na nakasaksi sa pangyayari at naghihiyawan pa umano ang mga ito hanggang sa final vow ng newly-wed couple.

Matapos ang kasal ay isinunod na rin ang binyag sa bagong silang na sanggol at si Fr. Rebaldo rin ang nangasiwa rito.

Sa kabila ng biglaang pangyayari, itinuloy pa rin ng bagong mag-asawa ang reception sa bahay ng bride sa Barangay Bacan ng kaparehong bayan.

All’s well that ends well! Congratulations!

Loading…