Business permit ng NLEX suspendido sa Valenzuela; toll gates sa siyudad hindi puwedeng maningil

Imahe mula sa Valenzuela City government
  • Sinuspinde ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng NLEX
  • Pansamantalang hindi papayagang maningil ng toll fee sa mga toll gates sa loob ng Valenzuela City
  • Ang suspensyon ay tatagal depende sa bilis ng aksyon ng NLEX management na tugunan ang problema sa RFID system nito na nagdudulot ng matinding trapiko sa Valenzuela City

Pansamantalang hindi pinapayagang mangolekta ng toll fee ang North Luzon Expressway (NLEX) management sa mga toll plaza sa loob ng Valenzuela City matapos suspindehin ni Mayor Rex Gatchalian ang business permit nito.

Imahe mula sa Valenzuela City government

Nag-ugat ang suspensyon dahil sa kabiguan ng kumpanya na ayusin sa itinakdang oras ang Radio Frequency Identification (RFID) system nito na patuloy na nagdulot ng grabeng trapiko sa Valenzuela City.

Personal na isinilbi ni Mayor Gatchalian ang suspension order noong Lunes ng hapon, December 7, matapos lumampas ang 5 p.m. deadline na itinakda ng alkalde para ayusin ng toll operator ang mga RFID sensors nito na may diperensya.

Nanindigan si Mayor Gatchalian na pananatilihin ang suspensyon hangga’t hindi naisasaayos ng NLEX ang RFID system nito.

“Una, gusto nating masolusyonan ‘yung sensors na ‘di makabasa ng RFID stickers para matigil na ‘yung atras-abante pagdating mo sa toll plaza. Kasi doon nagsa-start ‘yung traffic, eh. Puwede na sila kumilos ngayong araw kahit holiday. Kalikutin na nila ‘yung teknolohiya nila kasi sabi ko nga, ang primordial diyan ‘yung readability eh. ‘Pag dumaan ‘yung kotse dapat basa agad,” aniya.

Imahe mula sa Valenzuela City government

Pitong toll plaza sa loob ng siyudad ang hindi muna nangongolekta ng toll fee. Ito ay ang Karuhatan-Mindanao Avenue Toll Plaza, Karuhatan-Harbor Link Toll Plaza, Karuhatan-MacArthur Highway Sub-Exit, Mindanao Avenue Toll Plaza, Paso De Blas Toll Plaza northbound, Paso De Blas Toll Plaza southbound at Lawang Bato Toll Booth.

Ang toll holiday na ipinatutupad sa mga nabanggit na toll gates ay nangangahulugang nakataas ang toll barrier nito upang libreng makapasok ang mga motoristang dadaan sa NLEX.

Imahe mula sa Valenzuela City government

Sinabi ng alkalde sa media na ang suspensyon ay tatagal depende sa bilis ng aksyon ng NLEX na masolusyunan ang problema.

“Ang duration nito, depende sa kanila. Kung inayos nila sa madaling panahon, then wala tayong magiging problema. Maili-lift ‘yun. Pero ‘pag ‘di nila aaksyonan ‘yung complaints natin, ‘di mag-improve ang RFID, tatagal at tatagal ito. The answer is with them, not with us,” sabi ni Mayor Rex Gatchalian.

Nakatakdang magpulong si Mayor Gatchalian at ang NLEX management sa Miyerkules, December 9, upang plantsahin ang mga gusot sa isyu ng RFID system.

Imahe mula sa Valenzuela City government

Loading…