Cebu officials umalma sa paghuhukay ng DITO; trapik lumala dahil sa potholes

Imahe mula sa Inkl
  • Umalma ang ilang opisyal ng lalawigan ng Cebu dahil sa paghuhukay ng DITO
  • Marami raw kasing potholes na naiwan na walang maaayos na takip
  • Dahil dito, lumala ang trapik sa lugar lalo na sa bayan ng Consolacion

Umalma ang ilang opisyal ng lalawigan ng Cebu na pinangunahan ni Governor Gwendolyn Garcia dahil sa trapik na dulot umano ng paghuhukay na ginagawa ng DITO Telecommunity sa kalsada.

Dahil dito ipinatawag ni Garcia nitong Biyernes ang mga kinatawan ng pangatlong telco upang hingan ng solusyon sa lumalang trapik dahil sa mga naiwang potholes sa kalsada partikular na sa bayan ng Consolacion.

Imahe mula sa Facebook – LGU Consolacion

Naghuhukay umano ang contractor ng DITO para sa fiber optic cables sa tabi ng highway subalit ang mga nakatiwangwang na butas ay tinakpan lamang ng kahoy, plywood o steel plates na madali namang matanggal bukod pa sa mapanganib sa mga motorista lalo na kapag gabi.

“They’ve been digging along the highway which led traffic to be narrowed down to one lane instead of the usual two lanes,” ani Garcia.

Umabot na umano sa 11 ang bilang ng potholes sa Consolacion na nagpalala sa trapik doon.

Imahe mula sa Facebook – LGU Consolacion

Wika ng gobernador, puwede namang sila na lang ang maglagay ng steel plates subalit sisingilin nila ang DITO sa mga nagastos.

Bukod dito, binalaan din ng gobernador ang contractor na kapag hindi nila ito nagawan kaagad ng paraan ay mapipilitan silang gumawa ng ‘ibang aksiyon’ para resolbahin ang problema.

“If they cannot correct what they did, which already is an added burden to the Cebuanos who have suffered enough from traffic, I might have to resort to other actions,” ayon pa kay Garcia.

Ang pagpupulong ay dinaluhan din nina Mayor Johannes Alegado ng Consolacion, Mayor Christina Frasco ng Liloan, at mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Mayor Alegado, dapat ay matatapos na ang ginagawang paghuhukay sa ikalawang linggo ng Disyembre subalit patuloy pa rin daw ang trabaho hanggang sa kasalukuyan.

Loading…