China nagladlad ng watawat nito sa ibabaw ng buwan

Imahe mula sa China National Space Administration
  • Watawat ng China iniladlad sa buwan
  • Ang China ang ikalawang bansa sa buong mundo na nakapaglagay ng watawat sa moon surface kasunod ng USA
  • Ang Chinese flag na iniladlad sa buwan ay protektado laban sa malamig na temperatura

Ang China ang naging ikalawang bansa sa buong mundo na nakapagladlad ng watawat sa ibabaw ng buwan, mahigit limampung taon matapos unang maglagay ang United States of America ng bandera nito doon sa pamamagitan ng Apollo 11 manned mission noong 1969.

Imahe mula sa China National Space Administration

Bago umalis sa buwan ang Chang’e 5 ascender vehicle lulan ang mga lunar rock samples noong Huwebes ng gabi, December 3, na dadalhin nito pabalik sa Earth, iniladlad nito ang Chinese flag.

Ibinahagi ng China National Space Administration ang larawan ng bandila na kuha ng space probe bago ito pumailanlang mula sa buwan. Makikita sa larawan ang kulay pulang bandila na may limang bituin na tuwid na nakatayo sa moon surface.

Dalawang metro ang lapad at 90 centimeters naman ang taas ng itinayong Chinese flag na tumitimbang ng halos isang kilo.

Ayon sa project leader na si Li Yunfeng, ang buong watawat ay may proteksyon laban sa malamig na temperatura.

“An ordinary national flag on Earth would not survive the severe lunar environment,” sambit naman ng project developer na si Cheng Chang.

Imahe mula sa China National Space Administration

Ang ascender vehicle ng Chang-e 5 spacecraft na may dalang 4 pounds ng lunar rock ay lumipad patungo sa return vehicle, na nasa lunar orbit na tinatayang 15 kilometro mula sa ibabaw ng buwan, para ilipat ang mga samples na nakasilid sa isang espesyal na capsule upang maiwasan ang kontaminasyon.

Inaasahang sa kalagitnaan ng Disyembre makararating sa Earth ang capsule na may lunar rock samples. Nakaplano itong mag-touchdown sa grasslands ng inner Mongolia.

Ang Chang’e 5 mission ang ikatlong beses na makapag-landing sa moon ang China sa loob ng pitong taon.

Imahe mula sa China National Space Administration
Source :

CBS News, NPR

Loading…