Christmas food packs para sa 650,000 pamilyang Manilenyo handa na – Mayor Isko

Imahe mula sa Facebook-Mayor Isko
  • Nakahanda na ang ipinangakong Christmas food packs para sa pamilyang Manilenyo
  • Aabot sa 650,000 na pamilya sa Maynila ang makatatanggap nito
  • Mayroon ding karagdagang gift packs ang lahat ng senior citizen sa lungsod

Nakahanda na para sa pamamahagi ang ipinangako ni Mayor Isko Moreno na Christmas food packs para sa mahigit 600,000 na pamilyang Manilenyo.

Noong Oktubre ay tiniyak ni Mayor Isko na makatatanggap ang kaniyang mga kababayan ng food packages para pagsaluhan sa Pasko. Bagama’t hindi raw ito masyadong magarbo, ang mahalaga ay may pagkaing nakahain sa ‘noche buena’ ang lahat ng pamilyang Manilenyo.

Imahe mula sa Facebook-Mayor Isko

“Kahit papaano sa Pasko may mapagharimunan sila because 50% of that load is dedicated for Christmas, at least mayroon silang spaghetii, macaroni… mababawasan ang gutom ng mga taga-lungsod,” anang alkalde.

Nitong Huwebes ay ibinahagi ni Yorme ang mga larawan kung saan makikita ang nakaimbak na mga kahong naglalaman ng ipinangakong food packages.

“Handa na po ang mga Christmas food packs para sa 650,000 pamilyang Manileño sa darating na kapaskuhan,” ani Yorme sa kaniyang Facebook.

Imahe mula sa Facebook-Mayor Isko

Ang ilan daw rito ay kasalukuyang nakaimbak sa Pritil Market at maaari nang ipamahagi sa mga darating na araw.

“Dito po sa mga litrato na ito, ininspeksyon natin kanina ang mga food boxes na nakahanda sa storage area ng Pritil Market, isa sa maraming warehouses kung saan nakalagay ang ating mga food boxes para sa mga pamilyang Manileño,” wika pa ng Punong Lungsod ng Maynila.

Bukod sa food packs, ang bawat senior citizen ng lungsod ay makatatanggap din ng karagdagang gift packs at limang kilo ng organic rice.

Imahe mula sa Facebook-Mayor Isko

“Lucky for you if you are a senior, very expensive and very nutritious ang rice para sa inyo. Ang good news, bibilhin natin sa Mindanao itong black rice o red rice,” ayon sa alkalde.

Noong Oktubre sa isang pagpupulong ay tiniyak din ni Yorme na tuloy-tuloy pagkilos ng lokal na pamahalaan upang tugunan ang isyu ng gutom at malnutrisyon sa buong Maynila.

Loading…