Anyare? City hall sa Turkey ‘sinugod’ ng mga tupa at kambing

Screenshot mula sa YT video
  • Biglang sinugod ng isang kambing at apat na tupa ang isang city hall sa Turkey
  • ‘Naghasik ng takot’ ang tropang hayop sa mga tao doon lalo na’t sinubukan pang manuwag ng mga ito
  • Kinalaunan ay napakalma rin ang mga ito at naibalik sa may-ari

Sa hindi pa malamang dahilan, humangos ang isang ‘squad’ ng hayop sa isang city hall sa Turkey na ikinagulat ng mga tao at trabahador doon.

Ang tropa ay kinabibilangan ng isang kambing at isang tupa ‘bitbit’ ang kaniyang tatlong kordero (lambs).

Biglang nagkagulo ang mga tao sa lungsod sa Nevsehir, Turkey nitong Lunes nang makita ang mga tila ‘nagrebeldeng’ hayop sa labas ng gusali na mistulang may inaabangan. Umakyat pa ang mga ito sa hagdanan habang ang iba naman ay tumambay lamang sa kalsada.

Screenshot mula sa YT video

Nakunan ng video ang pangyayari at hindi makapaniwala ang mga nakapanood kung ano ang nagtulak sa mga tupa at kambing para humangos sa city hall ng lungsod. Dahil dito, natagurian silang “gang of horns and hooves” sa social media.

Samantala, makikita sa video na sinusugod ng mga hayop ang empleyadong pumapasok sa city hall at sinubukan pa nitong suwagin ang isang lalaking nagdaraan lamang.

Hindi rin kinakitaan ng takot ang matandang tupa nang pigilan siya ng isang trabahador hawak ang kaniyang sungay. Kinalaunan ay tumakbo na rin ang lalaki matapos mabigong at itaboy ang hayop.

Napakalma rin ang tropa makaraan ang ilang minuto at dinala ang mga ito sa may-ari.

Screenshot mula sa YT video

Dinalaw ng mayor ng Nevsehir na si Rasim Ari ang mga hayop sa farm kinalaunan at inalam kung ano ang problema ng mga ito.

Subalit ayon sa may-ari, may maayos naman daw na barn ang kaniyang mga alaga kaya hindi ito nilalamig. Pinakakain din umano niya ang mga ito nang regular kaya hindi niya rin alam kung bakit tumakas ang mga hayop sa kaniyang pangangalaga.

Nangako naman ang mayor na dadalhin ang mga tupa at kambing sa kanilang animal town upang makasalamuha ang mga bata.

Panoorin ang nakagugulat na paghangos ng mga ‘rebeldeng hayop’ sa city hall:

Loading…