Concerned citizen ibinalik ang nahulog na pitaka ng isang delivery rider

  • Isa na namang akto ng kabutihan ang nagbigay ng inspirasyon sa mga netizens
  • Isinauli ng isang concerned citizen ang nahulog na pitaka ng isang delivery rider na naglalaman ng malaking halaga ng pera at driver’s license
  • Agad naman itong naibalik sa kaniya sa pamamagitan ng social media

Sa panahong ito na kaliwa’t kanang negatibong balita ang ating napakikinggan, napapanood at natutunghayan, marami pa ring mga sitwasyong naipakikita ng tao ang kaniyang kabutihan at marami pa rin ang may mabubuting kalooban.

Kagaya na lamang ng ginawang pagsauli ng isang concerned citizen na si “Alex Crisologo” sa napulot niyang pitaka na pagmamay-ari ng isang delivery rider na nagngangalang “Tirso Tecson Plazos Jr.” Sa Facebook post ni Alex noong Disyembre 12, 2020, sinabi niyang may napulot siyang pitaka at pinanawagan sa publiko na tulungan siyang ipagbigay-alam sa may-ari ang tungkol sa pagkakapulot niya ng pitaka nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Alex Crisologo

“May rider po nakahulog ng wallet dito sa may crossing ng District Anabu. Hindi niya napansing nahulog wallet niya. Hindi ko na nahabol. Pakitulungan na lang po mga paps,” aniya.  Ang laman umano ng pitaka ay 12,750 piso at driver’s license.

Nang araw ding iyon, agad na nakontak ang lalaki at naisauli niya ang pitaka sa tunay na may-ari nito, sa tulong na rin ng iba pang mga concerned netizens. Ibinahagi niya ito sa isa pang Facebook post kalakip ang larawan ng pitaka at ang may-ari nito, na isa ngang delivery rider.

“Maraming salamat po sa mga nag-comment, nag-share at sa mga tumawag sa aking mga concerned citizens.
Naibalik na po yung nalaglag na wallet ni Sir Tirso Tecson Plazos Jr.,” aniya.

“Salamat din po sa appreciation at good comment po lalo na kay Sir Nheil RSAP Cavite Regional Officer nakakataba po ng puso mga sinabi ninyo po,” sabi pa niya.

“Hindi ko nman po hangad ang sumikat. Sa tulong po ng FB post and share para mas mabilis agad ang pag-action at makarating agad kay Kuya Tirso ang nawawala ang wallet niya, at iyon naman po ang nangyari. Naisauli agad po sa kanya at nagkaroon agad ako ng bagong kaibigan,” dagda pa niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Alex Crisologo

Nag-iwan naman siya ng mensahe para sa lahat.

“Tandaan po natin, anoman ang estado natin sa buhay, piliin pa rin nating maging mabuting tao. At huwag mag-dalawang-isip tumulong kung talagang kinakailangan sa malaki man o sa maliit na bagay o pamamaraan, basta taos sa ating puso.”

Isang pagsaludo sa iyo, Alex Crisologo! Nawa ay pamarisan at maging inspirasyon ka ng lahat!

Loading…