COVID vaccine na ginamit sa Binondo, peke at posibleng ‘dextrose’ lang – Locsin

Imahe mula sa Pixabay
  • Fake umano ang COVID vaccine na ginamit sa Binondo, ayon kay Locsin
  • Posibleng ‘dextrose’ lamang daw ito bagama’t hindi naman mapanganib sa kalusugan
  • Ito raw ang magiging resulta kapag hindi government-to-government ang pagbili ng bakuna

Peke umano at maaaring ‘dextrose’ lang ang ginamit na bakuna sa napaulat na COVID-19 vaccination sa Binondo na ibinulgar kamakailan ng isang negosyante.

Ito ang isiniwalat ni Foreign Affairs Teddy Locsin sa kaniyang panayam sa CNN Philippines base na rin umano sa impormasyong nakarating sa kaniya.

Noong nakaraang linggo, isang hindi nagpakilalang negosyante ang umamin na nagpabakuna siya at ang kaniyang mga kaibigan ng COVID-19 vaccine sa isang establisimyento sa Binondo.

Imahe mula sa DFA-Facebook

Wika ng kalihim, ito umano ang magiging resulta kapag hindi government-to-government ang mag-uusap sa pagbili ng bakuna dahil magkakaroon ng ‘loophloles’ kung saan posibleng makapasok ang mga pekeng gamot sa bansa.

“There is a threat if we do this without government-to-government then what will happen is you create loopholes in which fake drugs can come in,” paliwanag ng kalihim.

Inamin ni Locsin na may nakapagsabi sa kaniya na peke ang ginamit na gamot sa Binondo at posibleng ‘dextrose’ lamang umano ito, bagama’t hindi naman daw mapanganib sa katawan.

“But the problem is this: If you take them, dextrose, you just got healthy… but it doesn’t protect you from COVID,” ayon pa kay Locsin.

Imahe mula sa Pixabay

Magugunitang matapos kumalat ang balita, kaagad ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang imbestigasyon sa naturang insidente. Iginiit ng alkalde na hindi ito pinahihintulutan ng pamahalaang-lungsod lalo pa’t wala pa namang naaprubahang COVID vaccine ang national government.

BASAHIN: Negosyante kinumpirma ang secret COVID-19 vaccination na nagaganap sa bansa

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang resulta ng imbestigasyon ng Lungsod ng Maynila tungkol sa napaulat na vaccination.

“We already were able to conduct a probe through the health officials of the City of Manila, and we are awaiting a further report (for) the department to give an appropriate action,” ani Health Undersecretary Rosario Vergeire.

Maging ang Food and Drugs Administration (FDA) ay nagbabala rin sa publiko tungkol sa napaulat na bakunang hindi dumaan sa kanilang ahensiya dahil mapanganib umano ito sa kalusugan ng tao.

Loading…