COVID vaccine sa Japan libre para sa lahat ng kanilang mamamayan

Imahe mula sa VOA
  • Walang babayaran ang lahat ng mamamayan ng Japan para sa COVID vaccine
  • Ito ay sasagutin ng gobyerno matapos maipasa ang isang batas para dito
  • Nauna nang tiniyak ng Japan na makakakuha sila ng bakuna para sa kanilang 126 milyon na mamamayan

Libreng ipamamahagi ng bansang Japan ang bakuna kontra COVID-19 para sa lahat ng kanilang mamamayan matapos maipasa ang isang batas para dito nitong Miyerkules.

Sa ilalim ng nasabing batas, lahat ng gastusin sa bakuna para sa 126 milyong residente ng kanilang bansa ay sasagutin ng gobyerno ng Japan.

Imahe mula sa CGTN

Naipasa ang panukalang batas matapos itong makalusot sa makapangyarihang House of Representatives (Shugiin, lower house) at aprubahan ng House of Councilors (Sangiin, upper house).

Ilang linggo lang ang nakararaan ay nagpahayag ng pagkabahala si Japanese Prime Minister Yoshihide Suga at inilagay sa ‘maximum alert’ ang buong bansa dahil sa patuloy na pagkalat ng virus at sa diumano’y napipintong pag-collapse ng mga ospital dahil sa dami ng kaso ng COVID-19.

Nauna nang inanusiyo ng Japan na makakakuha ito ng bakuna para sa 60 milyon katao mula sa pharmaceutical giant na Pfizer, at karagdagang bakuna para sa 25 milyon katao mula naman sa Moderna.

Bukod dito, kinumpirma rin ng pamahalaang Hapon na makaratanggap sila ng 120 milyon na doses ng bakuna mula sa AstraZeneca.

Japan PM Yoshihide Suga| Imahe mula sa Anadolu Agency

Hindi naman masyadong malala ang sitwasyon ng pandemya sa Japan kung ikukumpara sa ibang bansa sapagkat mayroon lamang itong nasa 150,000 kaso ng COVID-19 at mahigit 2,000 lamang dito ang hindi pinalad na gumaling.

Hindi rin gaanong mahigpit ang ipinatutupad na lockdown sa mga pamayanan doon kumpara dito sa Pilipinas.

Subalit nagdulot muli ng pangamba sa mamamayan ang pinaniniwalaang ‘third wave’ ng coronavirus matapos makapagtala ng mas mataas na kaso ng infection nitong mga nagdaang linggo.

Dahil dito, hinimok na ng governor ng Tokyo ang lahat ng residente na iwasan muna ang paglabas ng bahay na hindi naman importante at gayundin ang mas maagang pagsasara ng ilang piling negosyo.

Loading…