Daan-daan katao na-ospital sa India dahil sa outbreak ng ‘di pa malamang infection

Imahe mula sa The Hindu
  • Isang hindi pa matukoy na sakit ang dumapo sa daan-daang katao sa India
  • Hindi naman umano ito COVID dahil nagnegatibo sa coronavirus ang lahat ng pasyente
  • Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga medical experts ang insidente

Daan-daan katao ang napaulat na isinugod sa mga ospital sa India dahil sa hindi pa malamang sakit na wala naman umanong kaugnayan sa COVID-19.

Nitong weekend, mahigit 200 na umano ang nadischarge sa pagamutan sa lungsod ng Eluru, state ng Andhra Pradesh subalit lahat naman daw ng pasyente ay nagnegatibo sa coronavirus.

Kabilang umano sa mga sintomas na naranasan ng mga nagkasakit ay seizures, pagkakawala ng malay, nausea at iba pa ayon kay Dolla Joshi Roy, district surveillance officer ng West Godavari District.

Imahe mula sa Times of India

“All patients have tested negative for Covid-19,” ani Roy sa panayam ng CNN.

Hindi pa matukoy ang totoong pinanggalingan ng infection na dumapo sa mahigit 400 katao kabilang na ang mahigit 300 na mga bata.

Isa katao naman ang napaulat na binawian ng buhay dahil sa hindi pa malamang karamdaman.

“The causes of the outbreak are not known yet,” ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng Andhra Pradesh. “The children reportedly suffered from dizziness, fainting spells, headache and vomiting.”

Samantala, tiniyak ng federal health ministry ng India na magpapadala sila ng team ng mga eksperto upang matukoy ang pinanggalingan ng infection.

Imahe mula sa RTE

Kumuha na rin ng blood samples ang mga medical experts mula sa mga gumaling na pasyente upang isailalim sa serological investigation at bacterial investigation para malaman kung isa itong uri ng meningitis.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na rin ang water supply ng mga lugar na apektado sa lungsod ng Eluru kung saan unang napaulat ang outbreak.

Ang India ang isa sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa mundo na pumalo na sa halos 10 milyon; pumapangalawa lamang sa Estados Unidos.

Source :

CNN, RTE, Reuters, GMA News

Loading…