Dahil sa pangamba sa bagong COVID strain, Pangulong Duterte biglang nagpatawag ng meeting sa Palasyo

Dating meeting ng Pangulo at IATF, Davao City| Imahe mula sa PNA
  • Biglang nagpatawag ng meeting si Pangulong Duterte dahil sa banta ng bagong COVID strain
  • Dahil dito, pinutol ng Pangulo ang kaniyang bakasyon sa Davao City
  • Gaganapin ang meeting nitong Sabado sa Malakanyang

Dahil nag-aalala sa bagong strain ng COVID virus, biglang pinutol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang maikling bakasyon sa Davao City upang magpatawag ng meeting nitong Sabado, Disyembre 26.

Inaasahang ipatatawag ng Pangulo ang mga health expert at opisyal ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Malakanyang upang pag-usapan ang banta ng bagong COVID strain.

Dating meeting ng Pangulo at IATF| Imahe mula sa PNA

“Biglaan patawag ng meeting with IATF and infectious disease experts tom si PRRD,” ani Senador Christopher ‘Bong’ Go sa text message sa mga mamamahayag nitong Biyernes.

“Very much concerned kami ni Pangulo. Cut short muna namin Christmas break,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, posibleng ganapin ang pulong dakong alas-6 ng hapon sa Malago Clubhouse.

Kabilang sa pag-uusapan umano ay ang posibleng pagpapalawig pa sa travel ban sa mga bibiyahe mula United Kingdom. Dati nang ipinag-utos ng Pangulo ang temporary ban sa mga flights galing UK simula Disyembre 24 hanggang katapusan ng taon dahil na rin sa banta ng bagong strain ng coronavirus.

Imahe mula sa The Conversation

“Inaasahan ding pag-uusapan kung kinakailangang magkaroon ng travel ban doon sa mga lugar kung saan nakapasok na ang bagong strain ng COVID-19,” dagdag pa ni Roque.

Noong nakaraang araw ay kinumpirma ng Singapore na nakapasok na sa kanilang bansa ang bagong strain mula sa isang batang pasahero galing sa UK.

Nito lamang ay kumpirmado na ring may katulad na kaso sa bansang Ireland, Japan at Israel.

Sa Pilipinas naman ay tiniyak kamakailan ng Department of Health (DOH) na wala pa silang nade-detect na new strain ng COVID bagama’t patuloy umano nila itong binabantayan.

Loading…