Dating PBA MVP at Bulakan Mayor Vergel Meneses nagpositibo sa COVID-19

Screenshot mula sa Facebook video
  • Nagpositibo sa COVID-19 si Bulakan, Mayor Vergel Meneses
  • Kusang nagpa-test si Meneses at nalaman niyang siya ay ‘asymptomatic’
  • Kasalukuyan nang nasa isolation ngayon ang 1995 PBA MVP

Nagpositibo sa coronavirus ang dating Philippine Basketball Association (PBA) superstar at ngayon ay alkalde ng Bulakan, Bulacan na si Vergel Meneses.

Sa kaniyang Facebook video nitong Biyernes, Disyembre 11, isiniwalat ni Meneses na kusa siyang nagpa-test kahit walang nararamdamang sintomas  at lumabas na positibo nga siya sa virus.

Imahe mula sa Facebook-Mayor Vergel Meneses

“Ang inyong punong-bayan ay kusang loob na nagpasuri ng RT-PCR noong Miyerkules. Bilang pagsunod sa health protocols ay bumukod at nag-isolate po ako habang hinihintay ang resulta, at kinabukasan Huwebes ay lumabas ang resulta bilang positive -asymptomatic,” anang 1995 PBA Most Valuable Player (MVP).

Patunay lamang umano ito na walang sinisino ang virus kahit pa ikaw ay maalaga sa katawan, bata man o matanda.

“Sa kabila na ako po ay sports enthusiast at ‘di nagpapabaya sa exercise at iba pang prevention, dumapo ang sakit na ito. Walang matanda or bata, mahirap or mayaman, official man o simpleng mamamayan, walang pinapalampas na mabibiktima ang virus,” ani Meneses.

Imahe mula sa Facebook-Mayor Vergel Meneses

Tiniyak naman ng alkalde na nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na munisipyo upang malaman kung sino ang mga nakasalamuha niya nitong mga nagdaang araw.

Sa kabila nito, gagampanan pa rin umano niya ang tungkulin bilang halal na punong-bayan ng Bulakan.

“Kung kaya ninais ng inyong lingkod na mag-self-quarantine sa isang ligtas na lugar kung saan ay maayos pa rin na mapamumunuan ang mga pampanin sa ating Pamahalaang Bayan,” ayon sa tinaguriang “Aerial Voyager” ng PBA.

Si Vergel Meneses ay kabilang sa PBA’s 25 Greatest Player at nagsilbing coach ng basketball team ng JRU bago nagretiro upang pumasok sa pulitika noong nakaraang taon.

Loading…