DOH nagbabala sa madla; COVID cases posibleng pumalo sa 4,000 kada araw ngayong Kapaskuhan

Imahe mula sa Xinhua
  • Nagbabala ang DOH sa posibleng pagsirit ng kaso ng COVID ngayong Kapaskuhan
  • Sa NCR umano ay napapansin na ang upward trend ng COVID cases ngayon pa lang
  • Kaya hinimok ng DOH ang publiko na sumunod sa health protocol

Posibleng pumalo sa 4,000 daily ang bilang ng kaso ng COVID-19 ngayong Kapaskuhan kaya muling nagpapaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na sumunod sa ipinatutupad na health protocol.

Sa isang Zoom meeting kasama ng mga mamamahayag, sinabi na DOH Undersecretary Rosario Vergeire na sa NCR pa lamang ay maaari nang umabot sa 4,000 ang kaso ng COVID kada araw base sa kasalukuyang trend.

Imahe mula sa DOH

“New cases are increasing. Surge will most likely happen. It is not a question anymore of if but when and by how much,” ayon kay Vergeire.

Maliban sa NCR, kinakitaan din ng pagtaas ng COVID ang mga rehiyong Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Calabarzon at Davao Region.

Ipinakita rin ng opisyal ang naunang pag-aaral na isinagawa ng OCTA Research Team na nagsasabing malaki talaga ang tsansa ng ganitong senaryo at karaniwang nangyayari bago at pagkatapos ng holiday season.

“Cases in National Capital Region may reach upwards of 4,000 per day which may overwhelm our health system capacity to upwards of 80% utilization by end of January if we do not act aggressively to halt transmission now,” wika ni Vergeire.

Dahil dito, ipinapaalalang muli ng DOH ang pagsunod sa ‘APAT DAPAT’ at ito ay kinabibilangan ng pagsuot ng face mask at face shield, air circulation, physical o social distancing at interaksyon sa kapwa nang hindi lalampas sa 30 minuto.

Screenshot mula sa DOH

“Kahit nasa open space ang mga tao, nandoon pa rin ang risk dahil dikit-dikit. Marami tayo nakikita, suot nga ang mask pero nasa bibig lang. Meron naman, naka face shield pero nasa ulo lang. Ginagawang hair band,” paliwanag ng opisyal.

Hinimok rin ng DOH na iwasan na muna ng mga tao ang mga closed o indoor settings, matataong lugar, usapan o tsismisan at iba pang maituturing na super-spreader events.

Maging ang simpleng pagkanta o malakas na pagsasalita umano ay naglalabas na ng 170 viral particles kada minuto.

Tiis tiis muna please! Ito naman ay para sa ikabubuti nating lahat.

Loading…