DOH: Wala pang bagong strain ng COVID-19 sa ‘Pinas

Imahe mula sa Bloomberg
  • Wala pa naman umanong bagong strain ng COVID virus sa Pilipinas
  • Mayroon kasing nadiskubreng bagong coronavirus strain sa UK na mas nakahahawa
  • Tiniyak ng DOH na patuloy nila itong minomonitor

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang bagong strain ng coronavirus sa Pilipinas sa gitna ng mga ulat na unti-unti na itong kumakalat sa United Kingdom.

Sa pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes, sinabi ng opisyal na wala pa silang nadi-detect na new strain ng COVID virus bagama’t patuloy umano nila itong binabantayan.

Imahe mula sa PNA

“According to RITM (Research Institute for Tropical Medicine), sa ngayon wala pa silang nakikitang bagong strain na nakikita dito sa ating bansa based on their monitoring,” wika ni Vergeire sa isang virtual presser.

“But of course we will be furthering this monitoring. Baka nga kung sakali kailangan natin mapaigting para kung meron man ganyan dito sa bansa ma-identify natin,” ayon pa kay Vergeire.

Napaulat noong nakaraang araw ang pagkalat ng mas nakahahawang bagong strain ng COVID-19 sa UK na siyang dahilan para magpatupad ng mahigpit na travel ban ang mga kalapit-bansa nito tulad ng Ireland, Germany, France, Italy, the Netherlands at Belgium.

Bagama’t sinabi ng mga health officials doon na wala pang katibayan na mas nakamamatay at iba ang reaction sa bakuna ng bagong variant ng coronavirus, mas nakahahawa umano ito ng halos 70 porsiyento.

New COVID strain sa UK| Imahe mula sa DW

Samantala, kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na hindi pa naman kailangan magpatupad ng mas istriktong travel restriction sa bansa dahil sa kasalukuyan ay ang mga diplomats, negosyante at mga Filipino citizens pa lang naman ang pinapayagang makapasok dito.

“Although of course we are strengthening measures,” pagtitiyak pa ni Vergeire.

Ganito rin ang saloobin ng Palasyo subalit siniguro ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pag-uusapan ito ng IATF sa mas lalong madaling panahon.

Loading…