DTI Sec. Lopez nagpositibo sa COVID-19; Palasyo tiniyak na ilang araw nang hindi nakakasalamuha ng Pangulo ang kalihim

Imahe mula sa PTV News
  • Nagpositibo sa coronavirus si Secretary Ramon Lopez ng DTI
  • Naka-full isolation na umano ang kalihim bagama’t dumalo pa rin sa mg virtual na meeting
  • Tiniyak naman ng Palasyo na matagal nang hindi nakakasalamuha ng Pangulo si Lopez

Nagpositibo sa coronavirus si Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez at ngayon ay nasa ‘full isolation’ na.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng 60 anyos na si Lopez na nagpsoitibo siya sa virus bagama’t hindi nakararanas ng sintomas nitong mga nagdaang araw.

Imahe mula sa PNA

“Am asymptomatic naman but am on full isolation already,” anang kalihim subalit hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye.

Inamin din ni Lopez na mayroon siyang nakasalamuhang nagpositibo kaya maaaring doon siya nahawa.

“I had myself swabbed Sunday after exposure last Tuesday from a person who tested positive,” ayon sa mensahe ni Lopez sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng Viber.

Sa kabila nito, nakadalo pa rin ang kalihim sa virtual na pagpupulong ng Committee on Trade and Industry ng Kamara at  Economic Development Cluster Briefing ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) Global Media Affairs.

Nakatakda rin siyang magbigay ng talumpati sa Manufacturing Summit 2020.

Imahe mula sa PNA

Kaugnay nito, tiniyak naman ng Palasyo na mahigit dalawang linggo nang hindi nakasasalamuha ni Lopez si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, noong Nobyembre 20 pa o 19 na araw na ang nakalipas noong huling magkita at magkausap ang dalawang opisyal.

Si Lopez na ang pang-apat na miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte na nahawahan ng virus.

Nagpositibo na rin dati sa COVID-19 sina Interior Secretary Eduardo Año, Education Secretary Leonor Briones, at Public Works Secretary Mark Villar subalit lahat naman ay nakarekober na.

Loading…