Duque nilinaw na rekomendasyon pa lang ang travel ban sa 20 bansa; MIAA binawi muna ang advisory

Imahe mula sa PNA
  • Hindi pa pinal at rekomendasyon lang muna ang travel ban sa 20 bansa
  • Lumabas kasi sa mga naunang ulat na epektibo na ito
  • Nilinaw pareho ng DOH at Palasyo na ang Office of the President ang maglalabas ng opisyal na anunsiyo

Hindi pa pinal kundi rekomendasyon pa lamang ang planong travel restriction sa 20 bansa kung saan mayroon nang naitalang kaso ng bagong variant ng COVID 19.

Ito ang nilinaw ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III matapos lumabas sa mga ulat na epektibo na ang nabanggit na travel ban simula Miyerkules, Disyembre 30.

Screenshot mula sa RTVM video

“It’s a recommendation. Hintayin na lang natin ‘yung sa OP [Office of the President] issuance today,” ani Duque sa panayam ng GMA News.

Ganito rin ang naging pahayag ng Palasyo na nagsabing kailangang hintayin muna ang guidelines na ilalabas ng OP na siyang maglalabas umano ng pinal na desisyon.

“What I understand now is the Office of the Executive Secretary is drafting guidelines that would conform to what the President said na walang Pilipino na nais umuwi na puwedeng pigilan,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kaugnay nito, tinanggal na rin muna ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang advisory nila sa kanilang Facebook page.

Imahe mula sa PCOO

Unang inanunsiyo ng MIAA ang travel ban sa United Kingdom, South Africa, Switzerland, Italy, Denmark, Israel, Hong Kong, Spain, Ireland, Netherlands, Singapore, Lebanon, Japan, Canada, Germany, Sweden, Australia, France, Iceland at South Korea base sa naging pahayag ng DOH at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa advisory ng MIAA, magiging epektibo ang travel ban sa mga nabanggit na bansa simula hatinggabi ng Disyembre 29 hanggang Enero 15, 2021 upang maiwasang makapasok ang bagong variant ng COVID sa Pilipinas

Nilinaw din ni Roque na ang opisina niya lamang ang nag-iisang may awtoridad na maglabas ng anunsiyo na may kaugnayan sa COVID-19 upang hindi magdulot ng kalituhan sa publiko.

Loading…