Duque sa labis na tiwala ng Pangulo: “Siguro nakita niya ako na nagtrabaho nang tapat”

Screenshot mula sa The Mangahas Interviews
  • Marahil daw ay nakita ng Pangulo na tapat siyang magtrabaho, ayon kay Duque
  • Hindi naman daw niya hiningi ang trabaho at maganda noon ang buhay niya sa pribadong sektor
  • Inamin din ng kalihim na nasasaktan siya sa mga batikos sa kaniya

Marahil ay nakita lang umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapat sa kaniyang trabaho si Health Secretary Francisco Duque III kaya labis ang tiwalang ipinakikita nito sa kaniya.

Sa panayam kay Duque sa programang “The Mangahas Interviews”, ibinahagi ng kalihim na nagsilbi siya sa apat na administrasyon simula kay Estrada hanggang kay Duterte at ni minsan ay hindi niya naisip ang tumakbo sa isang elective position.

Imahe mula sa CNN PH

Ito raw marahil ang nakita sa kaniya ni Pangulong Duterte kung bakit suportado pa rin siya ng punong ehekutibo sa kabila ng maraming panawagan na magbitiw na siya sa puwesto.

“Tingin ni Pangulo, siguro nakita niya ako na nagtrabaho nang tapat. Trabaho lang talaga ang pakay ko. Nakita mo naman, ni minsan ‘di naman ako tumakbo for any elective position. Sa Executive, ako’y inanyayahan,” paliwanag ni Duque.

Ayon pa kay Duque, hindi niya naman hiningi ang trabaho at maganda naman ang buhay niya sa pribadong sector.

“Ito ang ginagawa ko para sa bayan. The rewards of public service are not material. They’re moral, they’re even spiritual and mental,” wika pa ng kalihim.

Inamin din ng Health Secretary na nasasaktan siya sa mga batikos lalo na ang kaniyang pamilya. Subalit lagi naman daw siyang sinasabihan ng presidente na ‘wag mag-resign dahil kung malinis ang kaniyang kunsensiya ay ito ang pagkukunan niya ng lakas.

Screenshot mula sa The Mangahas Interviews

“Pero siyempre minsan masakit. Hindi ako nasasanay eh, sa totoo lang. Hindi ako nai-immunize sa ganitong mga pagka binatikos ka,” pag-amin ni Duque.

Ilang mambabatas at pulitiko na ang nanawagan para sa pagbibitiw ni Duque lalo na noong pumutok ang isyu ng katiwalian sa PhilHealth, at kinalaunan ay mga ‘kapalapakan’ umano sa DOH.

Ang pinakahuli sa mga ito ay si Senador Manny Pacquiao na nanawagan kay Duterte na palitan na si Duque upang maibsan umano ang hinaing ng mamamayan.

Sa kabila nito, patuloy pa ring sinusuportahan ng Palasyo si Duque kahit pa lumabas ang diumano’y naudlot na negosasyon sa Pfizer na nakatakda sanang mag-deliver ng COVID vaccine sa darating na Enero.

Loading…