Face shield na may pangalan at larawan ng politiko inulan ng komento

  • Pinag-usapan ang isang larawan na ibinahagi ng isang netizen
  • Makikita kasi ang lalagyanan ng isang face shield na may nakaimprentang litrato at pangalan ng isang politiko
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens

Isa sa mga “gasgas” na paraan ng pangangampanya sa Pilipinas ang paglalagay ng mukha at pangalan ng kandidatong politiko sa tarpaulin, poster, o mga campaign materials na karaniwang idinirikit sa mga pader, dingding, o poste, sa iba’t ibang establisyimiento. Ang iba, nakahahanap pa nang paraan na pati sa mga supot o plastik na ipinamimigay sa mga relief goods sa panahon ng kalamidad. Subalit paano kung pati sa face shield?

Iyan ang pinag-usapan ng mga netizens matapos ibahagi sa Facebook post ni  “John Michael Bricia” ang isang larawan ng face shield na may nakaimprentang mukha at pangalan ng isang politiko. Mula naman daw ang larawan sa isang nagngangalang Marissa Arcilla Andal.

Imahe mula sa Facebook account ni John Michael Bricia / Marissa Andal / Public Domain Image

“Kaya sa susunod na eleksyon maging matalino, huwag na huwag silang iboboto,” panawagan ng naturang netizen.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Ang alam ko face shield lang ang ipinipilit sa tao ng gobyerno dito sa Pilipinas (despite studies showing na hindi naman effective against the virus spread, nakakapagpalala pa), PATI BA NAMAN ANG THICK FACE?” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Kung ako nabigyan niyan, isusuot ko ang face shield, and then videohan ko yung pagpunit at paglagay ko sa basurahan ng karton! Hahahahaha sarap i-vlog!”

“Malinaw na pananamantala ‘yan, ginagamit ninyo ang sitwasyon ngayon para sa sariling kapakanan ninyo!” saad naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Once na may bumili ng boto ko, I’ll accept that money and hindi ko iboboto yung bumili ng boto ko, may pera pa ako, oh diba happy thoughts.”

Ang politikong nasa larawan ay si Luigi Villafuerte ng Camarines Sur. Noong Marso 25, pinuna rin ng mga netizen ang tila maagang pangangampanya ng mga Villafuerte sa kabila ng krisis ng COVID-19 na makikita sa isang tarpaulin, para sa kanilang proyektong “Ka Fuerte Food Assistance Program.”

Public Domain Image

Nakalagay sa nasabing tarpaulin ang litrato nina Governor Migz Villafuerte, Congressman LRay Villafuerte at si Luigi Villafuerte, na nasa naturang lalagyanan ng face shield naman ngayon.

Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga Villafuerte kaugnay ng isyung ito.

Loading…