Face-to face classes dry run sa low-risk areas sa Enero inaprubahan ni Pang. Duterte

Imahe mula sa Manila PIO
  • Pinayagan na ni Pang. Duterte ang pagsasagawa ng face-to-face classes dry run sa mga piling paaralan sa low-risk areas
  • Maylistahan na ang DepEd ng mga nominadong paaralan na maaaring magsagawa ng dry run na tatagal lang ng isang buwan
  • Boluntaryo lang para sa mga mag-aaral ang pagpasok sa face-to-face classes at kailangang may written consent mula sa kanilang mga magulang

Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng go signal ang dry run ng face-to-face classes sa mga lugar na itinuturing na low-risk para sa COVID-19 transmission sa Enero ng susunod na taon.

Imahe mula sa PCOO

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang dry run ng in-person classes na iminungkahi ng Department of Education (DepEd) ay inaprubahan sa ginawang Cabinet meeting noong Lunes, December 14. Isang buwan lang daw ang itatagal nito.

Sinabi ng DepEd na mayroon na silang nagawang listahan ng mga nominadong paaralan kung saan maaaring ganapin ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na isinailalim ng pamahalaan sa kategoryang low-risk. Subalit kailangan pa umanong ma-evaluate ang mga naturang eskwelahan kung talagang handa na ang mga ito sa in-person classes.

“While we have a list of nominated schools from regions, we will still evaluate its compliance with criteria and readiness,” pahayag ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla.

Aniya, isasapubliko lang ang listahan ng mga paaralan kapag natiyak na ang kahandaan ng mga ito na matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mga estudyante sa gagawing dry run.

Imahe mula sa UNTV

Nilinaw naman ni DepEd Secretary Leonor Briones na kailangan ang pahintulot ng local government units (LGUs) para sa face-to-face classess sa kanilang nasasakupan. Aniya, may ilang LGUs na bukas sa ideya at mayroon ding nagpahiwatig ng agam-agam.

Limitado rin ang bilang ng mga mag-aaral na papayagan sa pisikal na magtungo sa paaralan. Boluntaryo ito at kailangan ang written consent ng kanilang mga magulang.

Loading…