Food-themed photoshoot ng sanggol para sa kaniyang monthly birthday kinaaliwan

  • Good vibes ang hatid ng food-themed photoshoot ng isang ina para sa kaniyang sanggol sa unang tatlong buwan ng pagkakasilang dito
  • Ang mga ginamit niyang tema ay brand ng isang sikat na doughnut, fast food chain na ang menu ay inasal na manok, at softdrinks o cola
  • Marami umanong netizens ang nag-aabang na sa mga susunod na buwan

Isa sa mga mahahalagang okasyon sa buhay ng isang tao ang kaniyang kaarawan o birthday. Ito kasi ang nagsisilbing paalala sa atin na minsan ay isinilang tayo sa mundong ibabaw, kaya naman lubhang mahalaga ang pagkakataon upang ipagdiwang ito.

Kaya naman, hindi pinalagpas ni Eliana Marie Bandellon, isang ina mula sa Parañaque City, na maging espesyal ang pagdiriwang ng kaarawan ng kaniyang sanggol, dahil sa food-themed photoshoot niya rito sa monthly birthday celebration nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Eliana Marie Bandellon

Para sa unang buwan nito, ang naging tema ay isang sikat na brand ng doughnuts. Sa ikalawang buwan naman, isang sikat na fast food chain na ang menu ay inasal na manok. Sa ikatlong buwan naman, gumamit siya ng isang sikat na softdrinks o cola.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wow! Something unique! Ang galing po. Sana next time naman po yung mga fast food chains like Jollibee and McDonalds na paborito ng mga bata,” mungkahi ng isa.

Turan naman ng isa, “Hurraaay! Excited for the next outfit niya!”

“Hehehe ang cute! I-screenshot mo po iyan para kapag malaki na si baby, maipapakita ninyo sa kaniya na minsan sa buhay niya ay pinag-usapan siya dahil sa kaniyang food-themed photoshoot! Good vibes!” wika naman ng isa.

Nagkaroon daw  ng ideya sa ganitong uri ng food-themed photoshoot ang naturang ina dahil sa nakita niyang online shop na nagbebenta ng mga customized baby clothes. Nang una raw niyang ginawa ito, marami ang natuwa, kaya ipinangako niya sa kaniyang sarili na itutuloy-tuloy na niya ito.

Imahe mula sa Facebook account ni Eliana Marie Bandellon

“I found it so cute po maraming nag-react so tinuloy-tuloy ko na po for her monthly pictures. Nakakaaliw po kasi ang dami pong nag-aabang,” aniya.

Marami naman daw ang nagmumungkahi ng mga pagkain o inuming maaari niyang gawing tema.

Loading…