Ginawa mo rin bang “Lego” ang mga sipit?

  • Sinariwa ng mga netizens ang alternatibong paraan kung walang budget sa pagbili ng “Lego”
  • Ito ay walang iba kundi ang pagkakabit-kabit ng mga sipit
  • Ang “Lego” ay kilala bilang plastic construction toys na sumikat noong 90s

Isa sa mga sumikat na laruan noon sa mga batang 90s ang paglalaro ng mga plastic construction toys, o mas kilala sa taguring “Lego,” na kung tutuusin ay pangalan ng isa sa mga pangunahing brands na gumagawa nito. Masarap kasi sa pakiramdam na makabuo ng mga kunwariang gusali, bahay, robot, at iba pang mga bagay, mula sa mga pinagdugtong-dugtong na mga bahagi nito.

Subalit kung walang budget sa pagbili ng mga plastic construction toys na ito, may alternatibong paraan ang mga batang 90s upang magawa pa rin ito. Iyan ang itinampok sa Facebook page na “Batang Pinoy Kadekada-60s to 90s” na ibinahagi ng netizen na nagngangalang “Arvie Aipoh.” Sinariwa niya ang mga pinagkabit-kabit na sipit upang makabuo ng mga robot.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy Kadekada-60s to 90s

“Wala kaming pambili ng Lego noon. Kaya sipit na lang ni Nanay ginagamit namin,” aniya.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento sa mga netizens.

“Isa kami sa mga  naglaro niyan hehehe. Tapos minsan pinagsasabihan kami na kinakalat at nilalaro lang namin iyan, at isisipit sa mga dalirin namin kapag hindi namin itinabi o ibinalik sa tamang lalagyan. Nakaka-miss din ang mga simpleng laruan noon. Ngayon kapag ginawa mo iyan pagtatawanan ka na, sasabihin sa iyo, mahirap ka o wala kang pambili,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Yes! Those were the days na talagang simple lang ang kaligayahan ng mga bata. Hindi masyadong naghahangad ng gadgets at iba pang mamahaling toys. Sana maibalik natin ang dati.”

“Iyan ang espesyal na laruan ng mga boys noong 90s. Nakakatuwang alalahanin! Kapag walang pambili ng Lego na usong-uso noon, iyan ang alternatibo,” pahayag naman ng isa.

Ang sumikat na  “Lego” o plastic construction toys ay ginawa ng The Lego Group, isang pribadong kompanya ng mga laruan sa Billund, Denmark.

Public Domain Image

Ikaw, ginawa mo rin ba ito?

Loading…