Giniginaw na “mingming” na nasa ibabaw ng ice cream freezer kinaaliwan

  • Naaliw ang mga netizens sa isang larawan
  • Makikita rito ang isang pusang natutulog na ginaw na ginaw
  • Nasa ibabaw kasi siya ng ice cream freezer

Bukod sa “man’s bestfriend” na mga pet dogs, isa sa mga paboritong alaga ng mga Pilipino ang “pet cats.” Bukod sa malambing, talaga namang nakatutulong sila upang mawala ang mga “mababait” na dagang namamahay, na maaaring manira ng mga gamit sa bahay. Kagaya ng mga aso, kinakailangan din silang alagaan sa pamamagitan ng maayos na pagpapakain.

Kaya naman, kinagiliwan ng mga netizens ang isang larawan sa Facebook page na “Rant.” Makikita kasi sa larawan ang isang “mingming” o pusang mahimbing na natutulog at tila ba ginaw na ginaw. Paano nga ba naman hindi giginawin ang kaawa-awa subalit adorable na pusa—nakahiga kasi ito sa ibabaw ng ice cream freezer!

Imahe mula sa Facebook page na Rant

“Paanong hindi ka giginawin nasa taas ka ng mga ice cream!” saad sa caption.

Natawa rin ang mga netizens kaya hindi nila napigilang magkomento.

“Oo nga miming! Alis ka na riyan at baka ikaw ay sipunin,” pabirong sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naku ganiyan din ang pusa namin. Kung saan-saan natutulog! Pero ang epic, natutulog sa malaking tiyan ng tatay ko. Paggising niya, may nakadagan na sa kaniyang tiyan. Yung pusa pala namin.”

“Like dogs, cats are very adorable! Ang cute niya!” saad naman ng isa.

Ang mga pusa ay nabibilang sa tinatawag na “domestic animals.” Kaanak nila ang mga leon, tigre, cheetah,  lynx o bobcat, jaguar, panther, puma, at iba pang mga uri nito.

Ayon sa ilang mga historians at archaelogists, ang mga pusa ay unang inalagaan sa sinaunang Ehipto. Itinuturing silang mga espesyal na hayop at sinasamba bilang mga diyos at diyosa. Sa katunayan, may isang diyos na nagngangalang Bastet sa Ehipto na mukhang pusa o isang babaeng leon.

Ang mga Romano ang nagdala ng mga pusa sa Ehipto papuntang Europa. Dinala naman ng mga taga-Europa ang mga pusa sa paglalayag nila sa mga barko at nang dumating sila sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kasama nila ang kanilang mga alagang pusa.

Sa Pilipinas, may nakapalibot na hiwaga ng pamahiin sa mga pusa. Kapag may nakita o nakasalubong daw na itim na pusa sa daan, huwag nang tumuloy sa pupuntahan dahil nagbabadya raw ito ng malas o panganib.  Bawal din daw pagbuhatan ng kamay o mapaslang ang mga pusa dahil may siyam na buhay ito. Pag nagkataon, siyam na taon ding puro kamalasan umano ang darating sa buhay ng sino mang gumawa nito.

Loading…