Grupong sangkot sa pagbebenta ng pekeng ginto at palladium bars sa Isabela, nasakote na

Image by Police Regional Office 2 via Facebook
  • Grupo ng sindikato na nagbebenta ng pekeng ginto at palladium bars, arestado sa Isabela
  • Ito’y makaraan ang matagumpay na operasyong isinagawa ng CIDG at PRO2
  • Hinihikayat ang ibang nabiktima ng grupo na makipag-ugnayan sa mga awtoridad

SANTIAGO CITY, Isabela — Arestado sa isinagawang entrapment operation ng CIDG Regional Field Unit 2 at PRO2 ang hinihinalang lider at anim na miyembro ng sindikatong nagbebenta ng pekeng ginto at palladium bars.

Nasakote nitong Linggo ang gang leader na si Rico Callueng mula Tuao, Cagayan kasama ang mga kasabwat na sina Apolinario Basanes, Rodolfo Pascua, Jayson Pascual, Angel Lacson, Edelina Patio at Arnold Villasis.

Ani PRO2 Regional Director Brig. Gen. Crizaldo Nievez, naganap ito makaraan silang makatanggap ng reklamo mula kay Engr. Felido Bautista na binentahan umano siya ng pekeng palladium bar ng grupo nina Callueng.

Nabanggit ni Bautista na hiningan siya ng P1.5-million bilang paunang bayad para ma-deliver ang pekeng precious metal. Sunod umano siyang sinabihan na dalhin na ang karagdagang P10-million para sa kabuuang bayad.

Yamang napagtanto ng inhinyero na peke ang metal na ibinenta sa kanya, iniulat niya ito sa mga awtoridad. Kagyat na nagkasa ang CIDG at PRO2 ng entrapment operation nang ide-deliver na ang P10-milyon kung saan nahuli ang mga suspek sa NC parking lot, Villasis, Santiago City.

Photo from Pixabay

Kabilang sa mga nakumpiska mula sa grupo ang Isuzu MUX, puting Mitsubishi Strada, gray Mitsubishi Montero Sports, mga pekeng pera at dalawang P1,000.00 bills. Mayroon ding baril, mga bala, dalawang cellphone at dalawang bars ng pekeng palladium na may bigat na 217 kilos kada isa.

“The public should be made aware of the modus operandi of these groups to avoid falling victims and losing their hard-earned money in the end,” ang pahayag ni Nievez na hinihikayat din ang mga nabiktima ng grupo na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya para maisama sa reklamong ihahain ang kanilang kaso.

Image by Police Regional Office 2 via Facebook

Loading…