Halina’t mamasyal sa Christmas Village sa tinaguriang Switzerland of the Philippines

Imahe mula sa Crosswinds Tagaytay
  • Bukas na sa publiko ang Christmas Village sa Crosswinds Tagaytay
  • Makikita sa Christmas Village ang naglalakihang candy canes, kahon ng regalo katabi ng malahiganteng upuan at ang pamosong Bern Windmill kung saan maraming turista ang nagse-selfie
  • Bukas ang Christmas Village mula 9:00 am hanggang 8 pm

Isa sa pinakamagandang bansa sa buong mundo ang Switzerland na dinarayo ng mga turista lalo na tuwing holiday season.

Imahe mula sa Matador Network

Dito sa bansa, isang village resort ang itinuturing na Switzerland of the Philippines. Ito ang Crosswinds Swiss Luxury Resort na matatagpuan sa Tagaytay City. Ang disenyo ng mga istruktura dito ay hinango mula sa arkitektura ng Switzerland. Kagaya ng nabanggit na bansa, napakarami ring pine trees dito na ang halimuyak ay nakapagpapa-relax sa mga taong nagtutungo roon.

Tuwing holiday season, dinarayo ito ng mga local tourists dahil ginagayakan ng mga magagandang dekorasyon bilang atraksyon na angkop sa kapaskuhan ang isang bahagi nito na tinatawag na “Christmas Village.”

Makikita sa Christmas Village ang naglalakihang candy canes, mga kahon ng regalo katabi ng Trone Giant Chair at ang pamosong Bern Windmill kung saan maraming turista ang nagse-selfie.

Imahe mula sa Crosswinds Tagaytay

Maganda ring magpakuha ng litrato sa Santa’s treasures and his reindeers. Sa gabi naman ay nakahahalina ang ganda ng mga pailaw sa Trail of Lights.

Noong nakaraang buwan pa – November 14 – nagbukas sa publiko ang Christmas Village, subalit dahil sa pandemyang patuloy na umiiral ay simple lang at hindi na ginawang bongga ang opening nito.

Imahe mula sa Crosswinds Tagaytay

Bilang pagsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, may ilang paalala ang Crosswinds para sa mga bisita.

Ang papayagan lang na pumasok sa Christmas Village at edad 15 hanggang 65.  Ang mga nasa edad 15 hanggang 17 ay dapat may kasamang magulang, guardian o kahit ay isang adult companion na edad 18 basta may dalang authorization mula sa magulang ng menor de edad.

Imahe mula sa Crosswinds Tagaytay

Mahigpit din ang pagkuha ng body temperature. Required na mag-fill up ng health declaration form bago pumasok, kailangang nakasuot ng face mask at face shield sa lahat ng oras at dapat palaging may physical distancing.

Ang Christmas Village ay bukas araw-araw mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-otso ng gabi.

Imahe mula sa Crosswinds Tagaytay

 

Loading…