Halos P1-B hindi nakolekta ng TRB mula sa toll operators – Sen. Poe

Imahe mula sa FAcebook - Sen. Grace Poe
  • Dismayado si Senador Poe sa naging kapabayaan ng TRB
  • Mistulang minadali umano ang pagpapatupad ng cashless system
  • Magaling lang daw ang TRB sa paniningil ng fees at pagtaas ng toll rates

Dismayado si Senador Grace Poe sa trabaho ng Toll Regulatory Board (TRB) dahil sa diumano’y naging kapabayaan nito sa implementasyon ng cashless toll system na nagresulta sa katakot-takot na trapiko na nagdulot ng perwisyo sa mga motorista.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate public services committee, na pinamumunuan ni Poe, sinabi ng senador na hindi puwedeng iwasan ng TRB ang malaking sisi na ibinubunton sa kanila ngayon.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Grace Poe

Inisa-isa rin ng mambabatas ang ‘kapalpakan’ ng ahensiya dahil sa ‘lack of foresight’ nito at gross mishandling’ ng RFID mess na ikinagagalit ng karamihan.

Una umano rito ang isyu ng supply dahil noong 2019 ay 25 to 30 porsiyento lamang ng mga biyahero sa NLEX ang gumagamit ng RFID, higit na mababa kumpara sa ibang bansa sa Asya. Sa kabuuan umano, mahigit 3 milyong sasakyan ang walang RFID bago ipatupad ang cashless system.

Binanggit din ng senador ang hinaing ng maraming motorista dahil minsan ay mas mabilis pa sa cash lanes kesa sa RFID lanes.

“Ang maliit lang sana na reklamo noong 2019, naging malaking problema ngayong 2020 dahil nagpatupad nang polisiya habang hindi pa handa ang Sistema,” giit ni Poe.

Halos P1-B hindi nakolekta ng TRB

Ayon pa kay Poe, lumalabas na kuntento na lamang ang TRB sa paggawa ng dalawang bagay at wala nang iba pa: ang magtaas ng toll rates at magkolekta ng fees.

Ang masaklap lang daw dito ay ito na nga lang ang ginagawa ng ahensiya ay hindi pa magawa nang maayos.

Screenshot mula sa PTV video

“Truth be told, TRB can’t even do its job of collecting toll fees that well. According to the Commission on Audit, the TRB failed to collect toll fees in the amount of P44.24 million in 2017 and P859.94 million in 2019, almost a billion pesos,” pagsisiwalat ng mambabatas.

Para kay Poe mistulang minadali at hindi pinaghandaan ang pagpapatupad ng bagong sistema kaya nasasakripisyo ang kapakanan ng mga motorista na hindi naman tama.

Umaasa rin ang senador na sa gagawin nilang Senate hearing ay makahahanap ng solusyon upang hindi na maulit ang pangyayari kung saan kailangan pa ng isang mayor na mag-suspendi ng business permit bago maaksiyunan ang reklamo.

Loading…