Hello, Kapamilya: Atienza kumpiyansang magbabalik ang ABS-CBN sa 2021

Image by Lito Atienza via Instagram | ABS-CBN logo
  • Cong. Lito Atienza sa pagbabalik ng ABS-CBN next year: “Hindi hula ‘yun, that’s a reality, mangyayari ‘yun”
  • Nakahanda umano siyang magpasa ng resolution sa takdang panahon para maisakatuparan ito
  • Atienza: “I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion”

Naniniwala at kumpiyansa si Deputy Speaker at Buhay Party-list representative Lito Atienza na muling masisilayan sa himpapawid ng publiko ang TV Network giant na ABS-CBN. At ito, aniya, ay magaganap na sa susunod na taon.

“Hindi hula ‘yun, that’s a reality, mangyayari ‘yun. I am really confident, justice will prevail by next year,” ang pahayag ni Atienza.

Image by Lito Atienza via Instagram

Saad pa ng mambabatas, magaganap ito sapagkat inaasahang muling matatalakay sa plenaryo sa susunod na taon ang tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN. Si Cong. Lloyd Allan Lord Velasco na ang kasalukyang House Speaker.

Sa ngayon ay wala pang naghahain ng resolusyon para muling mapag-usapan ang prangkisa. Ngunit ayon sa House rules ay hindi kailangang magpasa ng bago dahil maaari pa ring magamit ang orihinal yamang walang prohibisyong nagbabawal dito.

Sinabi ni Atienza na nakahanda naman siyang magpasa ng resolusyon at gagawin umano niya ito sa takdang panahon.

“Ako, I am just giving the new Spea­ker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion.”

Image by Lito Atienza via Instagram

Wika ni Abang-Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Peduano, maaaring magpasa ng aplikasyon para sa franchise renewal ang ABS-CBN sa 2021 batay sa House rules.

Hulyo nitong taon nang hindi inaprubahan ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa. Naganap ito makaraang magdesisyon sa isang resolution ang House Committee on Legislative Franchises na nagde-deny sa aplikasyon. Sinang-ayunan ito ng 70 committee members.

Hindi man nakakuha ng bagong prangkisa, napapanood pa rin ang mga Kapamilya shows sa free TV via A2Z. Ito ay sa pamamagitan ng blocktime deal sa pagitan ng ABS-CBN at ZOE TV. Maliban dito, napapanood din ang mga Kapamilya shows sa cable via Kapamilya Channel at mga online platforms ng network.

Loading…