Higit 20 bisitang dumalo sa binyagan sa loob ng sementeryo huli sa paglabag sa health protocols

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Mahigit 20 katao ang nahuli matapos dumalo sa isang binyagan sa Maynila
  • Ginanap ang binyagan sa loob ng sementeryo kung saan mayroon pang inuman at videoke
  • Nilabag umano ng mga bisita ang health protocols at lokal na ordinansa ng lungsod

Hinuli at dinala sa presinto ang halos dalawang dosenang bisita na dumalo sa isang binyagang ginanap sa loob ng Manila North Cemetery dahil sa paglabag diumano sa health protocols.

Nitong Sabado nang gabi umano naganap ang kasiyahan kung saan 22 katao ang inaresto ng mga elemento ng MPD Station 3 dahil walang suot na face mask at face shield ang mga ito.

Imahe mula sa Wikipedia

Bukod dito hindi na rin daw nasunod ang physical distancing habang nagkakasiyahan at nag-iinuman ang mga bisita, ayon kay P/Lt. Col. John Guiagui, hepe ng MPD 3.

“Sa binyag, the thing is nag-iinuman sila sa labas and ang daming tao na nag-iinuman sa kalye even without mask and face shield,” ani Guiagui.

Nag-uumpukan at nagvi-videoke pa raw ang mga tao sa tabi ng mga nitso kung saan nilagyan pa ito ng tent.

“Pagdating natin doon, nakita natin ang mga ito, nag-iinuman. Higit 20, nag-iinuman dahil pala ito ay binyag. But it is a violation doon sa revised Ordinance 5555, wherein they are drinking in a public place,” bahagi ng opisyal.

Napag-alamang nakatira sa loob ng Manila North Cemetery ang may pabinyag subalit galing sa iba’t-ibang bahagi ng Maynila tulad ng Quiapo at Blumentritt naman ang mga bisita.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Meron tayo health scare, hindi natin alam kung sino diyan… considering they are coming from different places. Walang swab test, walang rapid test,” ayon pa kay Guiagui.

Ang pag-vdieoke at pag-inom sa mga pampublikong lugar ay parehong ipinagbabawal ng lokal na ordinansa ng Maynila. Dahil dito, maaaring pagmultahin ng tig-P5,000 ang bawat bisitang dinala sa presinto.

Nagpaalala naman ang MPD 3 sa publiko na iwasan na muna ang mga ganitong kasiyahan kasama ang maraming tao lalo’t nasa gitna pa ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Loading…