Ian naglabas ng sama ng loob, paliwanag sa ‘di pagdalo sa birthday party na hinanda ni Nora

Screenshot mula sa YT video
  • Naglabas ng sama ng loob si Ian de Leon sa kaniyang inang si Nora
  • Nagpaliwanag din ito tungkol sa hindi niya pagdalo sa sariling birthday celebration
  • Nais lamang daw niyang bigyang-liwanag ang nangyari

Hindi lingid sa publiko ang ‘di magandang kinahinatnan ng relasyon ni Superstar Nora Aunor sa kaniyang mga anak dahil na rin sa iba’t-ibang dahilan.

Nito lamang ay nagsalita na si Ian de Leon tungkol sa hindi niya pagsipot sa birthday party na inihanda ng kaniyang ina. Si Ian ang nag-iisang biological child ni Nora sa dating mister na si Christopher de Leon.

Screenshot mula sa YT video

Noong Disyembre 11 ay nagdiwang si Ian ng kaniyang ika-45 na kaarawan at nakatakda sana siyang dumalo sa celebration na si Nora mismo ang nag-arrange. Subalit pinili daw niyang ‘wag na lang pumunta matapos ang kanilang pag-uusap sa telepono.

Kaya nitong Linggo ay naglabas ng vlog si Ian sa kaniyang You Tube channel upang ‘bigyang-liwanag’ kung ano ang nangyari.

“Ma, mahal na mahal kita, hindi magbabago ‘yun,” panimula ni Ian sa kaniyang vlog habang pilit na pinipigil ang iyak.

“Pero kasi, ang sakit na, e. Hindi ko na kayang manahimik pa,” patuloy pa ng aktor.

Imahe mula sa People’s National Artis

Kuwento ni Ian, tuwang-tuwa siya nang tumawag ang mommy niya dahil ilang taon na rin silang hindi nag-usap.

“Tuwang-tuwang tuwa ako dahil nag-I love you-han kami, nag-I miss you-han kami, nagkuwentuhan kami. Plano niya ng birthday ko, maghahanda siya,” anito.

Parang nagbago raw ang ihip ng hangin at lahat ng problema ng pamilya nila ay nawala matapos marinig na magkikita sila ng kaniyang mommy.

Kinalaunan sa vlog ay nagbigay ng pahiwatig ang aktor tungkol sa tunay na dahilan kung bakit hindi talaga siya pumunta.

“Ayoko lang na may mga ibang taong nasa paligid natin, ayoko lang na makikita ng mga tao na nagyayakapan tayo, ang sweet-sweet natin kesyo nasa harapan tayo ng camera. Ayoko ng ganun, Ma,” kuwento ni Ian.

Imahe mula sa Pinterest

Tuluyan daw talaga siyang nasaktan nang kinabukasan matapos ang kanilang pag-uusap ay nakatanggap siya ng text mula sa ina na nagtanong ““Anak, pwede ko bang gawing vlog ang pinag-usapan natin?”

“Ang sakit noon, nasaktan ako, Ma, noong phone call. Hindi ko lang ipinaalam na, oh my gosh, yung phone call na ‘yun, I thought ‘yun na ‘yun,” patuloy nito.

Sa huling bahagi ay inilabas din ng aktor kung ano ang buong message na ipinadala sa kaniya ni Nora.

’Anak,’ sabi niya, ‘Favor naman? Sagutin mo ako nang totoo, sagutin mo ako nang galing sa puso mo. Maiintindihan ko kahit anuman sagutin mo kasi gusto ko, special ang kaarawan mo’,” ayun dito.

“’Tapos sumunod doon, may gusto siyang ipapunta na tao. Sagot ko, ‘Sorry, Ma, I don’t think na magiging comfortable kami,” paglalahad ng aktor.

Imahe mula sa Wikipedia

Hindi man binanggit ni Ian kung sino ang nais papuntahin ni Nora ay marami ang nagsabing maaaring si John Rendez ito, ang karelasyon ng kaniyang ina na diumano’y hindi kasundo ng mga anak ng Superstar.

Hiling naman ni Ian sa susunod na birthday niya, “Ang hiling ko, hindi magarbong handa, hindi cake, ang hiling ko ma, maging Nora Cabaltera Villamayor ka, hindi Nora Aunor.”

Panoorin ang buong vlog ni Ian de Leon:

Loading…