Idol Shopping Network: Raffy Tulfo natupad ang pangarap na magkaroon ng “palengke” para sa masa

Screenshot mula sa video ng Raffy Tulfo in Action
  • Natupad na ang pangarap ni Raffy Tulfo na magkaroon ng isang marketplace para sa masa
  • Inilunsad noong December 6, 2020 ang ISN na isang online shopping platform na kahalintulad ng Lazada at Shopee
  • Sa ISN, sisiguruhin daw nila na ang mga produkto ng merchants ay maayos upang masulit ang bayad ng mga customers
  • Ivi-video rin ang pag-iimpake hanggang pagde-deliver ng mga produktong ipinadadala para sa kapakanan ng mga bumibili

Isang bagong proyekto ang inilunsad ni Raffy Tulfo sampu ng kanyang pamilya na nagbigay-katuparan sa matagal na niyang pinapangarap na isang malaking “palengke” na makatutulong sa mga Pilipino.

Screenshot mula sa video ng Raffy Tulfo in Action

Noong Sabado, December 6, ay inilunsad ng pamilya ni idol Raffy ang Idol Shopping Network (ISN), isang online shopping platform na katulad ng popular sa bansang Lazada at Shopee.

Mapapanood sa YouTube channel ng Raffy Tulfo in Action ang ISN press conference kung saan naganap ang contract signing sa pagitan ng ISN at ng Resellee, ang technical partner nito sa e-commerce platform. Dito, inilahad ni idol Raffy na ang mga anak niya ang may-ari ng online marketplace at suporta lang silang mag-asawa.

“Kami ng wife ko support system lang kami sa mga anak namin sa business na ito,” lahad ni idol Raffy.

Ayon sa beteranong journalist na iniidolo ng maraming Pilipino, sa ISN ay itatama nila ang karaniwang kamalian o problemang nararanasan ng mga customers sa mga ibang online shopping platforms.

“Magmula sa pagpa-pack ng binili niyo, papunta sa rider hanggang sa buyer, lahat ‘yan, eh, naka-video para safe. In our business, safety is one of our major concerns. Halimbawa na lang, ang order nila ay mani pero ‘pag dumating na sa kanila ang package, pop corn pala ang laman. ‘Yung mga ganun bang problem,” paliwanag ni Raffy Tulfo.

Screenshot mula sa video ng Raffy Tulfo in Action

Sisiguruhin daw ng ISN na magaganda at maaayos ang mga produkto ng merchants at sellers upang masulit naman ang ibinabayad ng mga customers. Mahigpit umano ang requirements nila sa mga ito bago makasali sa ISN.

“Mahabang proseso para makasali ang isang merchant sa ISN. Hindi lang kami basta kukuha ng kukuha ng mga reseller sa ISN,” sabi pa ni Idol.

Ang personal na kikitain raw ni Idol Raffy sa proyektong ito ay gagamitin niya sa mga estudyanteng magiging scholar niya.

Imahe mula sa ISN Productions

Loading…