Ilang senador nais i-ban muna ang European tourists dahil sa banta ng bagong COVID strain

Imahe mula sa UNTV News
  • Nais ng ilang senador na ipatupad na ang temporary ban sa mga European tourists
  • Kailangang gawin umano ito habang maaga pa
  • Inamin din ni Roque na panahon na para ikonsidera ito ng gobyerno

Nangangamba ang ilang senador na posibleng makapasok sa bansa ang bagong strain ng COVID-19 virus kaya hinimok nilang i-ban muna ang mga turistang manggagaling sa European countries.

Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang Department of Health (DOH) at kailangang gumawa na ito ng aksiyon habang maaga pa.

Imahe mula sa ABS-CBN News

“Recall that in February, DOH did not immediately ban travels from China, which directly caused the deadly local transmission of COVID-19,” ani Drilon sa isang mensahe sa mga mamamahayag.

Maging sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senador Joel Villanueva ay sang-ayon sa mungkahing ito. Dapat umanong unahin ang kapakanan ng mga Pilipino sa panahon ngayon.

“We must do everything to ensure the safety and protection of our people,” wika ni Recto.

Wika naman ni Villanueva, dapat ay huwag na munang magpapasok ng European tourists dahil maging ang mga bansa doon ay nagpatupad na ng mahigpit na border control.

New COVID strain sa UK| Imahe mula sa DW

“We should act quickly and temporarily ban travelers from Europe… to ensure the new strain doesn’t spread here,” ani Villanueva. “Delikado talaga. Nasa huli pagsisisi. ”

Napaulat noong nakaraang linggo ang pagkalat ng mas nakahahawang bagong strain ng COVID-19 sa UK na siyang dahilan para magpatupad ng mahigpit na travel ban ang mga kalapit-bansa nito tulad ng Ireland, Germany, France, Italy, the Netherlands at Belgium.

Bagama’t sinabi ng mga health officials doon na wala pang katibayan na mas nakamamatay at iba ang reaction sa bakuna ng bagong variant ng coronavirus, mas nakahahawa umano ito ng halos 70 porsiyento.

Samantala, inamin rin ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque para ikunsidera ang temporary travel ban sa mga turistang galing UK.

Imahe mula sa PNA

Subalit sa kasalukuyan umano, ayon kay Roque, basta sumunod lang sa health protocol na quarantine bago lumabas ang PCR test ay ligtas na ang mga tao.

Noong isang araw ay tiniyak ng DOH na wala pang bagong strain ng coronavirus sa Pilipinas sa gitna ng mga ulat na unti-unti na itong kumakalat sa Europe.

Sa pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes, sinabi ng opisyal na wala pa silang nade-detect na new strain ng COVID virus bagama’t patuloy umano nila itong binabantayan.

Loading…