
- Pansamantalang ipinasara ang ilang tiangge sa Robinsons Novaliches dahil nagpapasok ng mga menor de edad
- 340 minors na pagala-gala sa lansangan ang na-rescue ng Quezon City Task Force Disiplina
- Pinagmulta rin ang mga magulang ng mga menor de edad na naaktuhan na nasa labas ng kanilang mga tahanan
Nasampolan ng Quezon City government ang ilang establisimyento na lumabag sa bagong ordinansa tungkol sa pagbabawal sa mga menor de edad na lumabas sa kanilang mga kabahayan.

Nakasaad sa Ordinance No. S-2985, S-2020 o ang Quezon City Special Protection of Children against COVID-19 na ang mga batang below 18 years old ay kailangang manatili sa loob ng bahay tuwing Children Protection Hours o 24 hours a day, seven days a week.
Sinasabi rin sa ordinansa na pananagutin ang mga establisimyentong magpapapasok sa mga menor de edad.
Sa pagpapaigting sa kampanya na protektahan ang mga kabataan sa gitna ng pandemya, 340 menor de edad na naaktuhang pakalat-kalat sa kalsada at sa mga tianggehan ang na-rescue ng Quezon City Task Force Disiplina katuwang ang District Mobile Force Battalion ng Quezon City Police District.
Ipinag-utos naman ng Business Permits and Licensing Department ang pansamantalang pagpapasara ng ilang tiangge sa Robinson’s Novaliches Christmas Bazaar dahil nagpapasok ang mga ito ng mga minors.

“Seryoso ang lungsod sa pagpapatupad ng patakarang ito upang mapanatiling ligtas ang ating mga kabataan sa virus,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
“Isantabi muna natin ang pagiging matigas ang ulo dahil naririyan pa rin ang panganib na dulot ng pandemya, na posibleng lumala lalo ngayong maraming tao ang lumalabas dahil sa kapaskuhan,” sabi pa ng alkalde.
Inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts ang mga magulang ng mga menor de edad.

“Ipinapaliwanag namin sa kanila na dahil malakas ang bata, maaaring wala silang symptoms pero carrier sila ng sakit. Kapag lumabas sila at pumunta in public places, puwede na sila maging superspreader at ito ang iniiwasan nating mangyari,” sabi ni Rannie Ludovica, action officer ng Quezon City Task Force Disiplina.
Hinikayat ni Mayor Belmonte ang publiko na i-report sa QCitizen Watch sa Official QC website ang mga kabataan at mga magulang na lumalabag sa ordinansa.
BASAHIN: Mga menor de edad sa Quezon City pinagbawalang lumabas ng bahay 24/7