Immigration employees pinagbawalang mag-Tiktok na suot ang kanilang uniporme

Imahe mula sa You Tube/ Tiktok
  • Binalaan ng Bureau of Immigration ang kanilang mga empleyadong nagti-Tiktok suot ang kanilang uniporme
  • Labag daw ito sa panuntunang pinaiiral ng kanilang ahensiya
  • Sang-ayon naman dito ang CSC sapagkat hindi umano bahagi ng kanilang job description ang mag-Tiktok

Pinagbawalan ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga empleyado na magpost ng Tiktok video sa social media suot ang kanilang uniporme.

Inilabas ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang naturang kautusan matapos kumalat sa social media ang Tiktok video ng ilang empleyado ng BI na sumasayaw habang suot ang kanilang uniporme.

Comm. Jaime Morente| Imahe mula sa Wikipedia

Ayon kay Morente, bahagi ito ng hakbang ng ahensiya para ipatupad ang regulasyon sa paggamit ng uniform  ng kanilang tanggapan na dapat ay panatilihin ang integridad dahil kinakatawan nito ang immigration service institution ng bansa.

”Our policy on the wearing of the BI uniform is clear.  As public servants and supposed model Filipinos, employees must proudly wear their uniform at all times, present a professional image to the public and observe proper decorum and good taste in all their actions while they are on duty,” ayon sa pahayag ng opisyal.

Bukod dito, nakakaapekto rin umano ito sa reputasyon ng ahensiya at lumilikha ng negatibong imahe sa mga empleyado ng bureau lalo na yaong mga nakaharap at nakikipag-usap sa mga tao bilang frontliners.

Screenshot mula sa Facebook-BI

Nilalabag rin daw ng mga sangkot na empleyado ang patakaran ng BI tungkol sa hindi paggamit ng mga cellphones at electronic gadgets habang naka-duty.

Sang-ayon naman dito ang Civil Service Commission (CSC) dahil isa raw itong paglabag sa Reasonable Office Rules and Regulations para sa mga empleyado ng gobyerno.

“Bawal ho talaga ‘yon. Kung mayroon ho silang rules and regulations inside their respective offices, puwede ho silang mafile-an ng kaso,” paliwanag ni Commissioner Aileen Lizada sa panayam ng GMA News.

Paalala pa ni Lizada, kailangang mag-ingat ang mga government employees na gumagawa ng ganito dahil hindi raw puwedeng gamitin ang kanilang uniporme sapagkat hindi naman bahagi ng kanilang job description ang mag-Tiktok.

Loading…