Isang grupo ng mga Badjao na namamasko sa Metro Manila, na-rescue ng QC Task Force Disiplina

Screenshot mula sa GMA video
  • Halos animnapung katutubong Badjao ang na-rescue ng Quezon City Task Force Disiplina
  • Galing sa Pampanga ang mga katutubo na nagtungo sa Metro Manila upang mamasko
  • Pansamantalang mananatili sa headquarters ng Task Force ang mga katutubo hanggang sa maihatid sila pabalik sa Pampanga

Ni-rescue ng Quezon City Task Force Disiplina ang isang grupo ng halos animnapung mga katutubong Badjao na namataang nag-uumpukan sa isang lugar sa Quezon City noong Martes ng gabi, December 15. Kabilang sa mga katutubo ay mga bata, buntis at senior citizens.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon sa isang miyembro ng Task Force Disiplina, nakatanggap sila ng tawag mula sa Office of the Mayor tungkol sa grupo ng mga Badjao na nagkalat sa lansangan sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay Talipapa sa Sangandaan.

Karamihan sa mga ito ay walang suot na face mask. Sa tulong ng mga opisyales ng Barangay at tauhan ng PNP, dinala ang mga katutubo sa Centris Command Post ng Task Force upang doon na magpalipas ng magdamag.

Inamin ng isa sa mga Badjao na galing pa sila sa Pampanga at nagtungo sa Metro Manila upang mamasko. Sinabi nito na taun-taon nilang ginagawa ang ganoon. Mga vendor umano sila sa probinsyang pinanggalingan at ang kanilang kabuhayan ay lubos na naapektuhan ng pandemya.

Malaking tulong daw ang gagawin nilang pamamasko sa Metro Manila upang makalikom ng sapat na halaga para magamit na pandagdag sa kanilang puhunan.

Screenshot mula sa GMA video

Ipinaliwanag ng Task Force na ang ginawang pagsagip sa grupo ay bahagi ng kanilang regular na ginagawang pagpapatupd ng mga health protocols na dapat sundin upang makaiwas sa COVID-19. Sagot ng katutubo, mas takot silang magutom kaysa madapuan ng coronavirus.

Pansamantalang mananatili sa tanggapan ng Task Force ang mga katutubo hanggang sa maihatid na sila pabalik sa Pampanga.

Imahe mula sa Quezon City Task Force Disiplina

Loading…