“Isang karangalan”: Ang mga artistang nakatikim ng “sampal” kay Diamond Star Maricel Soriano

  • Para sa mga nakatrabahong artista ni Maricel Soriano, malaking karangalan na masampal sila nito sa eksena
  • Nagsisilbi itong “validation” para sa kanila na isa ka nang ganap na aktor o aktres
  • Kilala si Maricel sa taguring “Taray Queen” at “Diamond Star” ng Philippine Showbiz

Isa ang Diamond Star at tinatawag ding “Taray Queen” na si Maricel Soriano sa mga premyado, batikan, at tinitingalang aktres sa industriya ng Pinoy showbiz. Mapa-comedy, horror, o heavy drama, kayang-kayang dalhin ni Maria, na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa pagganap, lalo na sa mga teleserye.

Bukod sa nadadala at napapatulala ang mga ka-eksenang artista dahil sa kaniyang brilyo, isa sa mga maituturing na “karangalan” daw ang masampal o madapuan ng kamay sa pisngi at panga ng nag-iisang Diamond Star, lalo na sa mga artistang unang beses siyang nakatrabaho o naka-eksena.

Public Domain Image

Ito ay tila nagsisilbing “validation” na ikaw ay isa nang ganap na aktor o aktres kapag nakatikim na nito. Sino-sino nga ba ang mga artistang nasampal na ni Taray Queen at ano ang naging reaksyon nila rito?

Iyan ang itinampok sa “Star Cinema” site. Una na rito ang Unkabogable Star na si Vice Ganda. Nakasama niya si Maricel bilang ina sa comedy movie na “Girl Boy Bakla Tomboy (2013).” Pagkatapos daw ng eksena, “talagang humagulhol siya.  Akala ng lahat ay dahil nadala siya sa eksena,  pero dahil nasaktan talaga siya.

Sumunod naman si Jolina Magdangal na nakasama niya sa pelikulang “Kung Ayaw Mo Huwag Mo (1998).” Aniya, totoo palang masakit siyang manampal. Pero okay na okay lamang daw sa kaniya at talagang ninamnam niya ang sampal na iyon ni Maria.

Nariyan din ang isa pang mahusay na kontrabida na si Gladys Reyes. Nagsama sila sa pelikulang “Minsan Lamang Magmamahal (1997).” Nayanig daw ang pagkatao niya, at pagkatapos ng kanilang eksena, niyakap daw siya nito nang mahigpit, at binigyan pa ng mga pointers sa mas mabisang pag-arte.

Public Domain Image

Hindi rin papakabog sa kuwento si Carla Abellana na nakasama niya sa pelikulang “Yesterday, Today, Tomorrow (2011).” Inasahan na raw niya ang mga mangyayari, subalit nakaapat na take sila, kaya apat na beses din siyang nasampal. Pagkatapos ng eksena, niyakap siya nito at humingi ng tawad. Nagpasalamat pa si Carla dahil doon.

Nang lumipat naman si Maricel sa GMA Kapuso Network noong 2014, gumawa siya ng teleserye kasama sina Dingdong Dantes at Lovi Poe. May pamagat itong “Ang Dalawang Mrs. Real.” Ilang beses nakatanggap ng sampal at buntal si Dingdong na siyang gumanap na nagloko niyang asawa.

Ang kabit naman sa kuwento na si Lovi ay hindi rin nakaligtas dito. Masakit man daw ang pisngi pagkatapos ng kanilang mga eksena, itinuturing niyang karangalan ito.

Public Domain Image

Si Melai Cantiveros naman na isa sa mga hosts ng morning talk show na “Magandang Buhay” ay hindi rin nakaligtas sa bangis ng palad ni Maria; nagkaroon kasi sila ng spoof scene ng pelikulang “Soltera.” Aniya, ang sarap daw sa pakiramdam na nasampal na siya ng isang Maricel Soriano.

At sa kinabibilangang teleserye ngayon ni Maria na “Ang Sa Iyo Ay Akin,” nayanig din ang mga pisngi at panga ng dalawang lead casts na sina Iza Calzado at Jodi Sta. Maria, na nakikipagsabayan din ng acting prowess sa kaniya bilang sina Ellice at Marissa.

Public Domain Image

Wala talagang kupas ang nag-iisang Diamond Star!

Loading…