Ka Tunying pinagnakawan ng katiwala sa negosyo: “Sobrang sakit sa pakiramdam”

Screenshot mula sa You Tube
  • Ninakawan umano ng malaking halaga ang negosyo ni Anthony Taberna
  • Ang masakit pa ay mismong pinagkakatiwalaan niya sa kumpanya ang nasa likod nito
  • Kamakailan lang ay ibinahagi ng Ka Tunying na may leukemia ang kaniyang anak na si Zoey

Isang dagok na naman ang dumating sa pamilya ni Anthony Taberna ilang araw lamang matapos ibahagi na may malubhang karamdaman ang kaniyang anak na babae.

Sa programang “Magandang Buhay”, hindi napigilan ng TV at radio host na maging emosyonal matapos aminin ang panibagong pagsubok na pinagdaraanan nila ngayon.

Screenshot mula ‘Magandang Buhay’ YT video

Kuwento ni Ka Tunying, nito lang nila nalaman na matagal na palang pinagnanakawan ang kanilang kumpanya at ang masakit pa ay ang mismong pinagkakatiwalaan nila sa negosyo ang nasa likod nito.

“Isipin mo hirap na hirap kami. Alam mo ‘yung pagpapagamot sa katulad ni Zoey, sa kanyang kondisyon, mabigat ‘yon,” bahagi ni Anthony. “Nadiskubre namin two weeks o three weeks ago lamang na kami pala ay ninanakawan ng taong pinagkakatiwalaan namin dito sa kompanya.”

Hindi raw maliit na halaga ang nakuha sa kanila at masakit ito dahil ang inaakala nilang ipon ay kukunin lang pala  ng ibang tao.

Ka Tunying & wife| Imahe mula sa Facebook

“Sobrang sakit sa pakiramdam. Kaya ang sitwasyon namin ngayon ‘yung tao ay inihahanda namin ang kaso sa kanya. Tinitingnan din namin ang pananagutan ng bangko. Kasi malaking halaga,” patuloy pa ng broadcast journalist.

Dahil daw sa pangyayari, inihahanda na niya ang kaniyang mga empleyado sa posibleng pagsasara ng negosyo kapag hindi kaagad naremedyuhan ang problema.

“Sobra kasing laki nung nawala kaya napakahirap ng pangyayari ngayon,” anito.

Kamakailan lamang ay ibinahagi ni Ka Tunying na may leukemia ang kaniyang panganay na anak na babaeng si Zoey.

Screenshot mula sa Instargam-Ka Tunying

Mistula raw guguho ang mundo nilang mag-asawa nang malaman ang karamdaman ng kanilang anak lalo pa’t batang-bata pa ito at nakikita nilang nahihirapan.

Ganun pa man, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa kaya sa pamamagitan ng dasal ay naniniwala silang malalagpasan nila ang lahat ng pagsubok na ito.

Panoorin ang pagbabahagi ni Ka Tunying sa ‘Magandang Buhay’:

Loading…