Kable ng kuryente nahila ng tren sa Maynila; ilang poste bumagsak sa kabahayan

Screenshot mula sa video ng GMA News
  • Bumagsak ang ilang poste ng kuryente sa Sta. Cruz, Maynila nitong Linggo nang hapon
  • Nahila kasi ng paparating na tren ng PNR ang mga kableng nakalaylay mula dito
  • Plano namang magsampa ng reklamo ang mga residenteng naapektuhan laban sa PNR at sa mga telco

Himalang walang nasaktang tao sa pagbagsak ng ilang poste ng kuryente matapos itong mahatak ng tren ng (Philippine Nationa Railways (PNR) sa Sta. Cruz, Maynila.

Nangyari ang insidente dakong alas-kuwatro nang hapon nitong Linggo, Disyembre 13 sa may Old Antipolo Street sa Barangay 349 ng lungsod.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN News

Nakunan pa ng CCTV ng barangay ang pangyayari kung saan makikitang biglang nagkagulo ang mga tao matapos biglang bumagsak ang ilang poste habang dumaraan ang isang tren.

Nahila kasi ng tren ang mga nakalaylay na kable matapos itong sumabit sa bubungan.

Apat na bahay ang napinsala dahil nabagsaka ng mga poste at ilan dito ay natanggalan pa ng bubong. Tatlong sasakyan rin ang nasira at isang lalaki na sakay ng isang kotse ang masuwerteng nakaligtas kahit pa nawasak ang kaniyang sinasakyan.

Mabuti na lamang at walang ibang taong nasaktan sa pangyayari.

Hinala ng barangay, hindi na napapansin ng mga technician ang mga nakalaylay na kable kaya ito napabayaan.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN News

Ayon kay Barangay Captain Elisa Franco, hindi alam ng may-ari ng mga nasirang bahay at sasakyan kung sino ang kanilang hahabulin bagama’t balak na umano nilang magsampa ng reklamo laban sa pamunuan ng PNR at maging sa mga telcos na may-ari ng kableng nakalaylay.

Dahil sa insidente pansamantalang isinara sa mga motorista ang bahagi ng Old Antipolo Street na naapektuhan.

Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng mag awtoridad ang insidente.

Loading…